Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

No bakuna, no pasada

0 226

Pasensiya na po sa titulo pero ang tinutukoy ko ay ang “No Vaccine, No Ride” policy na ipapatupad ng mga ahensiya sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) simula ngayong Lunes, ika-17 ng Enero sa Metro Manila.

Mismong si Presidente Duterte ang nagbigay ng utos nito. Naglabas naman ang Metro Manila Council ng Resolution No. 22-01 kung saan inatasan ang mga LGU ng Metro Manila na maglabas ng ordinansa para kontrolin ang paglabas ng bahay ng mga wala pang bakuna.

Eto ay bilang tugon sa pananalasa ng Omicron variant ng Covid-19 kung saan nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng Covid noong Enero 15 sa bilang na 39,004 kaso. (Note: 37,154 kaso lamang ang naitala kahapon Enero 16.) May pangamba na lalong tataas ang bilang ng mga kaso kung patuloy ang paggalaw ng mga mamamayan, tulad noong panahon ng Pasko.

Mas nasa panganib ang mga wala pang proteksyon ng bakuna na maaaring dumanas ng malalang sintomas ng Covid, at mangangailangan ng pag-aasikaso sa ospital. Ayon sa IATF, 85% ng mga pasyente ng Covid sa ospital ay mga walang bakuna. Namimiligro rin ang mga ospital na umabot na sa 71% ang bed utilization rate.

Bilang pagtupad, inilabas ang DOTr ang Department Order sa lahat ng ahensiya nito na nagbabawal isakay ang mga walang bakuna sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan sa lupa, sa dagat at sa himpapawid.

Sabi ng DO 22-01, “All concerned attached agencies and sectoral offices of DOTr are directed to ensure that operators of public transportation shall allow access or issue tickets only to ‘fully vaccinated persons’ ….”

Ituturing na bakunado ang isang tao pagkalipas ng 2 linggo mula sa ikalawang tusok ng bakuna (unang tusok sa kaso ng Johnson & Johnson Janssen).

Naglalabas ng kani-kaniyang memorandum ang mga ahensiya para sa mga operators, workers at passengers ng eroplano, ferry, train, bus, dyip, TNVS at iba pa. Naglabas din ng mga guidelines para sa paliparan, pantalan at terminal ng sasakyan.

May mga hindi saklaw ng “No Vaccine, No Ride” policy. Sila ang mga mamamayang hindi maaaring bakunahan dahil sa kalagayang medikal. Pero dapat na sila ay may dalang medical certificate mula sa kanilang doktor, na maaaring tawagan kung kinakailangan.

Hindi rin saklaw ang mga lalabas upang bumili ng essential goods (pagkain, tubig, gamot, gamit medikal), magbayad ng utilities (kuryente at tubig) at patungong ospital/klinika para sa medikal/dental treatment. Pero dapat ay may dala silang barangay health pass o anumang patunay ng kanilang lakad.

Bagamat suportado eto ng maraming sektor, may mga ilan namang bumatikos na eto ay may bahid ng diskriminasyon laban sa mga walang bakuna.

Sa hanay ng mga drayber, umaangal sila sa dagdag na trabaho para sitahin isa-isa ang pasahero kung may bakuna. Posibleng umanong mabuhay ulit ang mga kulorum kung saan sasakay ang mga walang bakuna.

Nilinaw ng DOTr na ang bagong policy ay para sa proteksyon ng publiko sa panahon ng Alert Level 3, o higit pa, para pigilan ang pagkalat ng Omicron. Mas mahirap kung mawala ang kontrol sa Covid at mauwi sa tuluyang pagsasara ng mga pampublikong sasakyan. Titigil ang daloy ng buhay at ekonomiya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.