Una sa Balita

No.1 most wanted na NPA sa Agusan del Norte timbog

By
0 748

ARESTADO ang number one most wanted person ng New People’s Army (NPA) na may kinakaharap na patong-patong na kaso matapos madakip ng Philippine Army (PA) sa kanyang pinagtataguan kahapon nang mada­ling-araw sa Purok Spring, Barangay Tagcatong, sa bayan ng Carmen, Agusan del Norte.

Sa ulat na ipinadala ni Maj. Ro­nald C. Putol ng 42nd Brigade Civil Military Operations ng PA, dakong alas-4:30 nang madaling-araw nang maaresto ang suspek na si Joaquin Madrianon, alyas Alto/Junjun, mi­yembro ng intel officer ng Sparrow Unit ng NPA at nakalista bilang top most wanted na NPA ng Agusan del Norte at number 2 overall sa most wanted list ng lalawigan.

Ayon kay Maj. Putol, nadakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa mga kasong multiple murder at multiple attempted murder ng Butuan Regional Trial Court (RTC) Branch 3.

Ang nasabing suspek ay siya umanong responsable sa mga pagpatay sa mga lumad sa Agusan del Norte at Agusan del Sur, gayundin ang pagpatay kay Mayor Otaza, Ricardo Sulhayan, Datu Ka Doy Saliganan ng Nasipit, Datu Ernesto Mandahinog Burdios at Jane Burdios, Junior Lignasa, JR Castilla at Lauro Hunasa.

Bukod dito, isa rin umano ang suspek sa mga umatake sa PNP Carmen station noong Marso 16, gayundin ang ilan pang pangha-harass na pag-atake sa mga pulis at militar.

Ang suspek din umano ang isa sa responsable sa pananambang kay Governor Ma. Angelika Rosedell Amante-Natba nang ito ay bumisita sa Sitio Mimbahandi, Barangay Camagong, Agusan del Norte.

Samantala, pinasalamatan naman ni Lt. Col. Francisco Molina, comman­ding officer ng 23 Infantry Brigade ng Philippine Army ang mga residente na nagbigay ng tip para sa pagkakaaresto ng suspek.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy