Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

#NanditoAngPangulo

0 221

Diretsahang sinagot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritiko na nagtatanong kung nasaan ba ito sa kasagsagan ng mga kalamidad na nanalasa sa bansa, una ang bagyong Rolly at sumunod ang bagyong Ulysses.

Ayon po sa Pangulo, nagtatrabaho ang gobyerno nang walang humpay dahil sa mga sunod- sunod na kalamidad na nanalasa sa Metro Manila at Luzon. Kahit pagod na pagod na ang mga opisyal at tauhan ng mga ahensiyang nangangasiwa sa search and rescue at mga nag-aabot ng mga pangunahing tulong ay tuloy-tuloy lang ang trabaho ng mga ito.

Nakapagbitaw po ng salita ang Mahal na Pangulo sa mga kritiko na patawarin sana sila ng Diyos dahil sa halip na mag-isip kung paano makatulong sa mga nasalanta ay inuuna ang pag-atake sa kanyanat sa gobyerno kaysa magpakita ng malasakit o awa sa mga biktima ng kalamidad.

Gustong palitawin ng mga kritiko ng Duterte administration na walang ginagawa ang Pangulo habang nananalasa ang mga bagyo sa bansa, at sa ganitong paraan ay nagbubunyi ang mga ito.

Pero sa mga sunod-sunod na bagyong dumating sa bansa simula noong nakalipas na buwan ay walang nakita ang publiko na mga kritikong agad nag-abot ng tulong o kahit man lang pabalat-bungang pakikisimpatiya at pakikiramay sa mga nasalanta ng kalamidad.

Ang mga maiingay na kritikong palaging pumupuna sa Pangulo at sa administrasyon ay tila pipi at bingi pagdating sa kaawa-awang sitwasyon at pangangailangan ng mga nasalantang mamamayan.

Pero taliwas ito sa karakter ni Pangulong Duterte dahil nakita po ng publiko na pagkatapos humupa ang ngitngit ng bagyong Ulysses ay agad na nag-aerial inspection ang Presidente kasama si Senador Bong Go at tiningnan ang lawak ng pinsalang iniwan ng bagyo sa Metro Manila na nagpalubog sa ilang mga bayan.

Abala po ang Pangulo sa kanyang trabaho. Sa katunayan, halos kulang ang kanyang panahon dahil bukod sa pag-intindi sa iniwan ng bagyong Ulysses ay dumadalo naman ito sa 37th Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) summit kasama ang mga lider ng mga regional partners sa pamamagitan ng virtual meeting.

Pero sa kabila ng mga sunod-sunod na virtual meetings sa ASEAN summit ay nakamonitor po ang Pangulo at tumatanggap ng maya’t mayang report sa iba pang mga lugar na sinalanta ng bagyo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nakarating po sa kaalaman ni Pangulong Duterte ang malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan at ilang mga bayan sa Isabela. Agad nitong ipinag-utos ang pagbuo ng Task Force para mapabilis ang rehabilitation efforts sa mga matinding naapektuhan ng bagyo.

Marami po ang napaulat na na-trap sa bubong ng kanilang mga bahay kaya agad na pinalarga ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Philippine Army para saklolohan ang mga ito.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Binigyang-diin po ni Presidente Duterte sa kanyang mensahe sa bayan nitong Sabado ng hapon na nagtatrabaho round-the-clock ang mga mga tauhan ng Navy, Coast Guard at Army at nagrerelyebo para masagip ang mga mamamayang nasa mga bubungan ng kanilang mga bahay.

Lahat po ng assets ng gobyerno para sa rescue operations ay ginamit para mailigtas ang mga mamamayan ng Cagayan na malubhang napinsala ng matinding pagbaha.

At kahit araw ng Linggo ay nagtatrabaho ang Presidente sa halip na ipahinga dahil nais nitong matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong nasalanta ng bagyo.

Katunayan, bumisita po si Pangulong Duterte sa Cagayan nitong Linggo o kahapon para personal na tingnan ang sitwasyon at matukoy ang mga tulong na dapat agad maiparating sa mga Cagayano at para sa pagbangon ng lalawigan .

Kasama po ng Pangulo ang kanyang mga miyembro ng gabinete bitbit ang kani-kanilang mga tulong para sa mga apektadong residente.

Agad pong ipinag-utos ng Pangulo ang pagpapadala ng pagkain, financial assistance at pagpapanumbalik sa mga pangunahing serbisyo para makabalik agad sa normal ang sitwasyon sa Cagayan.

Nitong mga nakalipas na pagbayo ng kalamidad, napatunayan natin ang tunay na lider. Hindi kailangan ng Pangulo ng photo op para pasunurin ang kanyang mga tauhan.

Iba si Pangulong Duterte. Mararamdaman mo ang kanyang pamumuno sa agap ng kilos ng mga ahensyang nasa ilalim niya. Sumusunod lahat at umaaksyon agad dahil sa maayos na pagtitimon ni PRRD.

Sa mga kritiko at naghahanap kung nasaan ang Pangulo, huwag kayong bulag at pipi sa mga tugon ng gobyerno. Gumagalaw ang lahat ng ahensya tulad na lamang ng NDRRMC kahit magpakita man o hindi sa kanila ang Pangulo. Alam nila ang direktiba ni PRRD, alam nila ang kanilang mandato, at alam nila na dapat sila mauuna.

Ang ating Pangulo, hindi po ‘yan mahilig sa papogi lamang. Alam niyo, hindi nasusukat ang isang liderato sa dalas nitong magpa-TV, magpa-radyo, magpa-presscon, o kaya ay magpa-litrato kasama ang mga nasalanta nating kababayan.

Hindi na kailangang hanapin ng mga woke at kritiko si Pangulong Duterte. Dahil unang-una, kahit ano pa man ang gawing maganda ng Pangulo ay hindi naman sila matutuwa rito.

Gayunman, alam ng bawat Pilipino na #NanditoAngPangulo sa puso nila. Alam nilang nandiyan ang Pangulo para tumulong at sinserong maglingkod sa ating mga kababayan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.