Una sa Balita

NLEX Road Warriors binibenta, binabarat

0 345

NABUNYAG na mula sa ilang malalaking kompanya na nagnanais magkaroon ng prangkisa sa Philippine Basketball Association (PBA) ang posibilidad na mabili ang NLEX Road Warriors.

Napag-alaman sa isang impormante nitong Biyernes, na nagkausap na ang isang malaking kompanya at ang pamunuan ng Road Warriors hinggil sa bilihan ng isa sa tatlong PBA team na nasa ilalim ni Manuel V.
Pangilinan o MVP Group.

Pero hindi pa nagkatulu­yan dahil binabarat si MVP ng buyer.

“Actually may mga buyer na pero binabarat nga lang. May isang halos done deal na, pero inaalam pa ‘yung ibang mga detalye hinggil sa iba’t ibang kontrata ng mga player,” ­salaysay ng source.

Una nang nilathala ng Abante/Abante TONITE ang posibilidad na magkaroon ng isang independent team sa pro league sa pagbenta ni Pangilinan sa isa niyang PBA franchise.

“Inilalako na nga ang team pero wala pang takers. Masyadong malalaki ang sahod ng mga player kaya binabarat ng mga gustong bumili,” hirit ng source.

Nanguna ang Road Warriors sa Governor’s Cup eliminations na una sa prangkisa, subalit nasorpresa ng NorthPort Batang Pier sa quarterfinals.

Kapapapirma lang din ng Road Warriors sa rookies kaya hindi mahahalata na nakalinya ito sa bentahan lalo’t sa isang buwan na magbubukas ang 45th PBA season para sa Philippine Cup 2020.

Isiniwalat ng isang source na sadyang tagilid na ang ­lagay ng prangkisa at matagal na itong nais ibenta, patunay ang paunti-unting pagbitaw sa ilang mga de-kalibreng manlalaro.

Kinunan ng reaksyon si PBA Commissioner Wilfrido Marcial pero hindi sumasagot sa mga tawag. Maging si NLEX coach Yeng Guiao. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More