Una sa Balita

Ninakawan ng ligaya

By
0 67

Dear Kuya Rom, 

Just call me Luis. Ganito nagsimula ang pagiging close namin. Nakilala ko siya sa college. Kami ay member ng drama club.

May acting roles kami sa isang stage play. Naging madalas ang pag-uusap namin sa messenger.

Dalawang beses kaming lumabas at nag-date, at nasundan ito ng maraming beses na pagsisiping.

Isang araw, sabi niya, siya ay nakikipagkita sa isang lalaki, at gusto niyang madalas silang magkita.

Nasaktan ako sa sinabi niya, kasi napamahal na siya sa akin.  Tinanong ko siya kung ipagtatapat niya sa lalaking ito ang tungkol sa amin, hindi siya sumagot.

Kaya ako ang nagsabi ng tungkol sa amin sa lalaking ito sa pamamagitan ng Messenger. Ang sabi ko sa kanya, kung ako siya, gusto kong maging tapat sa akin ang babae.

Nakipag-break ang lalaking ito sa kanya, at maligayang-maligaya ako nang kami ay nagkabalikan.

Pero nalaman niyang ako ang nagpadala ng message sa messenger tungkol sa amin na naging dahilan ng pakikipag-break sa kanya ng lalaki.  

Pagkatapos ng isang buwan, muling nagkaroon silang dalawa ng communication. Sinabi niya ito sa akin. Ang sabi ko, ihinto niya ito. Pero nagpatuloy siya. Pagkaraan ng ilang araw, sinabi niya sa akin na hindi na siya makikipagkita sa akin. Wala akong nagawa.

Naisip kong babalik siya sa lalaking ito. Parang ninakawan ako ng ligaya.Kuya, ang ginawa kong pag-message sa lalaki ng tungkol sa amin ay paraan ko para ipaglaban ang feelings ko sa babaeng ito.

Pero parang napasama pa ako. Mali ba ako na ipaglaban ito? Wala na bang pag-asang magkabalikan kami ulit? — Luis

Dear Luis, 

Ang magkaroon ng dalawang beses na date at maraming beses na pagsisiping ay hindi nangangahulugang may commitment kayo sa isa’t isa o may relasyon kayong dalawa.

Sa panahong kasalukuyan, ito ay isang imoral na kaisipan na sumisira sa buhay ng maraming kabataan ngayon.

Ang mga magulang ay nasasaktan sa nangyayari sa kanilang mga anak, pero ito ay reyalidad ng buhay ng mga kabataan ngayon.

Ikaw ay nasasaktan din, sapagkat nalaman mong may feelings ka sa babaeng ito.Maliwanag na siya ay babaeng walang takot na gawin ang gusto niya at walang makakapigil sa kanya. Lantaran ang kanyang mga kilos, walang itinatago. 

Ang pagtatapat niyang pakikipagkita sa ibang lalaki ay paraan niya ng paglilinaw na kayong dalawa ay malaya, sapagkat walang pangako sa isa’t isa na hindi makikipagrelasyon sa iba.

Ikaw ngayon ay nalilito sapagkat gumawa ka ng paraan para ipaglaban ang feelings mo, pero ang pagsabi mo sa lalaking ito ang tungkol sa inyong dalawa ng babaeng ito ay walang kinahinatnan. 

Biglaan ang reaksiyon ng lalaking ito, subalit hindi niya pinutol ang communication niya sa babae, kaya madali silang nagkaunawaang muli.   

Mukhang ito ang estilo ng babae na lutasin ang kanyang personal na problema. Igalang mo ang kanyang desisyon. Hindi magandang habulin mo siya at umasang magkabalikan kayo.

Kung gusto mong hindi siya makikipagrelasyon sa iba, dapat sinabi mo ito sa kanya nang maaga. Ngayon, sapagkat wala kayong malinaw na usapan sa una, parang ikaw ay ninakawan niya ng ligaya.  

Ang totoo, bata pa kayong dalawa para magkaroon ng seryosong relasyon. Ang karanasang ito ay tunay na masakit para sa iyo, pero magbibigay ito ng mabuting aral sa iyo.

Sa halip na sayangin mo ang iyong oras sa mga bagay na walang kasiguruhan, higit na mainam na ituon mo ang iyong isip at puso sa pag-aaral upang ikaw ay maging professional.

Ang kursong matatapos mo ay magiging daan upang ang iyong buhay ay hindi mapasama kundi magiging mabunga.

Ang pagpapalang ganito ay hindi mananakaw sa iyo ng kahit sino.Ipagkatiwala mo ang iyong buhay sa Diyos.

Hingin mo sa kanya na gabayan ka sa matuwid na buhay at sa babaeng itinakda niya para sa iyo upang ikaw ay lumigaya. May God bless you!     

Payong kapatid,  Kuya Rom