Una sa Balita

Nigerian timbog sa panghuhuthot sa Pinay na ka-date sa Tinder

By
0 655

TIMBOG ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Nigerian national at isang Tsinay habang nakatakas naman ang isang babaeng kasabwat nila sa panggogoyo at pag-blackmail sa isang Pilipina, kamakailan sa Las Piñas City.

Sinampahan ng NBI-Special Operations Group (SOG) ng kasong swindling at robbery extortion ang mga suspek na sina Innocent Uchenna Nkwoka, alyas Steve Edward, Agulu Prince at Irene Lee Okoro, alyas Jackie Pascual matapos ireklamo ni Eva, ‘di tunay na pangalan.

Ayon sa reklammo ng biktima sa NBI, nakilala niya ang suspek na si Nkwoka noong Pebrero 2018 sa pamamagitan ng Tinder, isang social media dating app.

Nagpakilala umano ang suspek na isang chemical engineer ng Shell Company na nakabase sa Alaska, divorced at may isang anak.

Noong Agosto, pumayag umano ang biktima nang yayain siya ng suspek na magpakasal, mula noon ay ginamit nila ang WhatsApp audio call sa kanilang komunikasyon.

Nabatid na noong Oktubre 2018 nang may tumawag sa biktima at nagpakilalang siya si Ana Fe Sandoval na taga-US Embassy. Sinabihan siya nito na kailangan niyang magbayad ng P5,600 para sa pagproseso ng kanyang fiancé visa application.

Ipinaalam umano niya ito sa suspek pero sinabihan siya na sumunod na lamang kaya’t patuloy siya sa pagbibigay ng pera kay Sandoval na umabot na sa P50,026 para sa umano’y medical examination, fiancé visa at affidavit of support.

Noong Disyembre 5, nagpunta ang biktima at kanyang pamilya sa NAIA II para sunduin ang suspek pero hindi ito dumating at nakatanggap ng tawag sa telepono ang biktima mula sa umano’y empleyado ng Customs at sinasabing na-hold sa Cebu Airport ang suspek dahil may dala umano itong $800,000.

Inatasan umano ang biktima na magpadala ng P25,000 sa pamamagitan ng Palawan Express Padala. Dito na nakahalata ang biktima na niloloko siya kaya hindi siya nagpadala pero pinagbantaan siya ng suspek na ipu-post sa social media ang kanyang hubad na larawan.

Nahuli sa entrapment ang dayuhan at kasabwat nito habang patuloy na hinahanap si Sandoval.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy