Una sa Balita

NIA sumaklolo sa rice crisis

By
0 162

Bilang bahagi ng hangaring mapataas ang produksiyon ng palay upang matugunan ang kasalatan ng suplay ng bigas, nagsagawa ng pamamahagi ng shallow tube wells (STW) sa mga magsasaka ang National Irrigation Administration (NIA).

Ayon kay Rep. Estrellita Suansing (1st District-NE), aabot sa 120 yunit ng STW ang naipagkaloob nina NIA Region 3 director Josephine Salazar at NIA Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS) ope­rations manager Rose Bote.

Ang unang 60 yunit ay naipamahagi na sa mga magsasakang walang patubig mula sa mga bayan ng Licab, Cuyapo, Zaragosa, Alia­ga at Sto. Domingo.

Ang bawat STW, na nagkakahalaga ng P90,000 bawa’t isa kasama ang mga accessories ay magagamit sa limang ektaryang clustered na bukirin, ani Suansing.

“Talagang sentro ng pinaglalaanan ng STW ang mga bukiring walang patubig o mga bukurin na malapit sa mga lugar na may impounded water,” dagdag ni Suansing.

Ayon naman kay Danny Bolos, pangulo ng farmers group, ma­ging si Rep. Ria Vergara (3rd District-NE) ay may nakahandang ipamahaging mahigit 100 STW para mga magsasaka sa Palayan at Cabanatuan na ‘di nadaraanan ng UPRIIS.