Una sa Balita

NHA walang tibay ang pabahay

0 364

Delayed, substandard ang materyales, walang tubig at kuryente. Ito ang karaniwang inirereklamo sa mga proyektong pabahay ng National Housing Authority.

Hindi na bago ito. Matagal na ang isyu pero walang pagbabago. Ganoon pa rin ang mga lumalabas na reklamo mula sa mga benepisyaryo ng mga programang pabahay na ipinagagawa ng NHA.

Pruweba ang tulay sa mga pabahay sa Sitio Hongkong, Brgy. Rio Hondo, Zamboanga City. Bumigay ito sa pagkakataong may mga bumisitang opisyal ng gobyerno para mag-inspeksyon sa proyekto ng NHA na para sa mga biktima ng Zamboanga siege noong 2013. Tulay pa lang iyan, paano na ang mismong bahay?

Walang pinagkaiba ito sa mga pabahay din ng NHA para sa mga hinagupit ng super typhoon Yolanda sa Visayas region. Hindi pa man natatapos lahat ay mayroon ng mga reklamo na substandard ang proyekto.

Related Posts

Nag-imbestiga ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at nalaman na delayed ang proyektong pabahay para sa mga Yolanda victim sa Eastern Samar dahil ang kontratistang kinuha ng NHA ay kumuha rin ng subcontractor. Natuklasan din na substandard ang mga materyales na ginamit sa pagtatayo ng mga pabahay.

Kailan lang ay kinansela ng NHA ang kontrata ng 10 proyektong pabahay para sa mga Yolanda victim sa Eas­tern Samar, Samar at Leyte. Ang dahilan ay ang mahinang kalidad ng mga ipinatayong bahay.
Hindi rin nakasunod sa takdang panahon ng pagpapatayo ng mga pabahay ang mga kontratista.

Kapag natapos naman ang proyekto ay matagal bago malipatan ng mga lehitimong ookupa nito. Kapag tinirhan na ay problema ng mga benepisyaryo ang kawalan ng tubig at kuryente. Paano sila makakapamuhay ng normal sa ganitong sitwasyon?

Paulit-ulit na lang na nangyayari ito. Milyon-milyong piso ang lumalabas sa kaban ng gobyerno para sa mga pabahay ng mahihirap na kababayan natin, lalo na iyong mga sinalanta ng kalamidad ngunit nawawaldas lang sa walang tibay na pabahay ng NHA.