Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

NGCP: Presyo ng kuryente mas sisirit ! Cusi sablay diskarte sa power crisis

0 123

Kumbinsido ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na papalpak ang diskarte ng Department of Energy (DOE) na pagpasok sa firm contracting bilang solusyon sa problema sa kakulangan ng supply ng elektrisidad sa bansa.

Ayon kay NGCP President Anthony Almeda, susunod sila sa kautusan ni Energy Secretary Alfonso Cusi na makipagkontrata sa mga backup power reserves pero naniniwala silang hindi ito magiging epektibong solusyon sa nararanasan ngayon na paulit-ulit na brownout sa bansa.

Aniya, hindi dagdag na supply sa elektrisidad ang idudulot nito kundi pahirap sa mga consumer dahil sa ikakarga nitong dagdag sa bayarin ng kanilang konsumo.

Nauna nang hiniling ng NGCP sa Energy Regulatory Commission (ERC) na pakialaman ang usapin dahil sa magiging epekto nito.

Samantala, Iginiit ng NGCP na hindi naman bubuti ang serbisyo kundi ibayong pasanin lang ang ibibigay nito sa mayorya ng mga Pilipino na nawalan pa ng hanapbuhay ngayong panahon ng pandemya.

“Signing a firm agreement will not give you additional power. It will just give you bigger bills, larger bills to pay,” ayon kay Almeda.

Hindi rin aniya ito magic na biglang may susulpot na power plant sa sandaling lumagda sila sa firm contracts.

Ang ancillary services (AS) ay support services lang aniya para mamantini ang reliability, kalidad ng enerhiya at seguridad ng grid.

Samantala, Iginiit ni Almeda na hindi AS o power reserve ang problema kundi mismong supply ng enerhiya.

“What we have is a supply and not a distribution problem. For the grid to effectively address imbalances between supply and demand, we need to increase the power capa­city of the country to meet rising demand as we start to recover and fully reopen the economy,” ani Almeda.

Ipinaliwanag pa niya na maliit lang din ang pagbabago sa mga energy sources o pinakukunan ng enerhiya dahil luma na ang mga gumaganang power facility sa bansa.

Gayunman, sinabi ni Almeda na magsisimula na sila sa bidding process para sa AS bilang pagsunod sa requirement ng DOE.

“We want to guarantee the best pricing for AS, especially since this is a pass-on cost to consu­mers. With an open and public bidding process, we ensure full transparency and comply with internal governance imperative of accountability, which all our stakeholders deserve,” diin nito. (Mia Billones/Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.