Una sa Balita

Ngayon na ba o naghihintay ng Pasko?

0 390

Sa isa pang pagkakataon, hindi na naman nakapag­labas ng desisyon ang mga mahistrado ng Supreme Court, bilang Presidential Electoral Tribunal o PET, kung itutuloy pa ba nilang pansinin o hindi na ang electoral protest ni dating Senador ­Bongbong Marcos ­laban sa pagkapanalo ni Vice President Leni ­Robredo.

Pero bago ‘yan, usap-usapan din ng mga tsokaran nating tambay sa kanto ang patuloy na imbestigasyon sa Senado tungkol sa umano’y mga ‘ninja cops’ o ‘agaw-bato cops’. Sa tingin ng marami sa kanila, mukhang lalong nalulubog sa kumunoy si Philippine National Police (PNP) chief Police General Oscar Albayalde, na halos isang buwan na lang bago magretiro.

Sa nakaraang pagdinig nga ng Senado, lalo pang nadiin si Albayalde nang sabihin ni Lacadin ang umano’y pag-uusap nila sa telepono ni Albayalde.

Nagsasagawa raw sina Lacadin ng imbestigasyon tungkol sa kuwestiyunableng raid at sinabi raw ni Albayalde na “Konti lang naman ang napunta sakin dyan.”

Hindi naman daw sigurado si ­Lacadin kung nagbibiro si ­Albayalde pero ­tiyak na hindi magiging katawa-tawa ang rebelasyon na iyon. At sa harap ng mga alegasyon kay Albayalde, walang magawa ang papatapos na PNP chief kung hindi ang itanggi ang mga bintang bilang depensa sa sarili.

Ang latest nag-resign na nga si Alba­yalde at mabibigyan ng pagkakataon ang opisyal na linisin ang kanyang pangalan na hindi maakusahang may cover-up lalo pa’t meron ibang nakaupong officer-in-charge(OIC).

Tungkol naman sa protesta ni Marcos kay Robredo, halos isang buwan na tapos ang ulat tungkol sa recount na ginawa sa unang tatlong lalawigan na magiging basehan kung dapat pang ituloy ang recount sa iba pang lugar. Pero ilang beses naunsiyami ang inaasahang botohan ng mga mahistrado na ang pinakahuli ay nitong Oktubre 8, at sinasabing ni-reset sa Oktubre 15.

Ang binabantayang boto ay kung papabor ba ang mga mahistrado na ituloy ang recount sa iba pang lugar, o hindi na. Kapag ang naging boto ay hindi na, ibig sabihin ay pinapanigan ng PET ang pagkapanalo ni Robredo bilang bise presidente. Samantalang kung itutuloy naman muli ang recount, aba’y bise presidente pa rin naman si ­Robredo, at hindi natin alam kung hanggang kailan matatapos ang pagpapatuloy ng ­bilangan.

Pero habang patuloy na naiuurong ang botohan ng mga mahistrado bilang PET, kung ano-anong tsismis at espekulasyon ang naglalabasan na hindi maganda at hindi nakatutulong sa imahe nila. Bagaman sinasabi ni Chief Justice Lucas Bersamin na nais lamang nilang maging maingat sa pagdedesisyon sa naturang isyu, aba’y huwag naman sana silang abutin ng Pasko dahil ilan sa mga kasamahan nila ang malapit nang magretiro. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy