Una sa Balita

Ngayon lang nagaganap ang ‘Radio Rehab’

0 486

Nang maupo ako bilang kalihim ng Presidential Communications Operations Office, isa sa mga mar­ching order sa akin ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ayusin ang serbisyo ng government media, lalong-lalo na ang TV network at ang mga himpilan ng radyo.
Inuna kong pagandahin ang Peoples Television Network dahil na rin sa na­ging plano ko na maging exclusive ang presidential coverage.

Ang production ay sa pamamagitan ng RTVM, at ang airing ay sa PTV. Nag-work ang aking plano na makakuha ng malaking market share ng televiewers ang government channel dahil alam naman natin na sinusu­baybayan ng ating mga kababayan ang bawat aktibidad ng ating Pangulo.

Halos kasabay nito ay pinaganda at pinalakas ko rin ang Radyo Pilipinas — ang government radio station — mula sa mismong radio booth at ma­ging ang mga kagamitan. Ang mga oras na walang masyadong programa ay pinunan ko kaya wala nang dead air sa ngayon maliban na lang kung naka-sign off.

Dumami na rin ang mga tagasubaybay ng radyo ng pamahalaan at tumaas ang ratings.

Pero hindi lang sa National Capital Region dapat palakasin ang himpilan ng radyo ng ating gobyerno. Nang magsimula akong mag-ikot sa buong bansa para sa pagpapalaganap ng talakayan sa Freedom of Information, Presidential Task Force on Media Security, Dismiss Disinformation, Youth for Truth at Rehabinasyon ay nakita ko ang kawawang kalagayan ng mga himpilan ng radyo ng gobyerno sa bawat lalawigan. Sa pakikipag-usap ko sa mga kawani ng mga istasyong ito, nalaman ko na sisinghap-singhap na pala ang kanilang mga kagamitan — na ang joke nga nila ay iyon na ang ginagamit ng mga sinundan nila panahon pa ng mga Hapon.

Mahalaga ang may maayos na radio facility sa mga probinsya. Ang AM station dito ay isinasahimpapawid sa kanilang bernakular kaya mada­ling maintindihan ng mga residente roon. May mga lugar sa ating bansa na wala pa ring matinong internet signal o maging TV signal, kaya ang pa­ngunahing pinagkukunan nila ng impormasyon ay radyo.

Gaano kaimportante ang radyo sa pagsagap ng mga balita? May mga napuntahan akong lugar na wala pa ring linya ng kuryente kaya walang TV at internet. Ang radyo na kanilang pinakikinggan ay pinatatakbo ng ba­terya. Sa kabila ng kanilang pagiging huli sa takbo ng teknolohiya, updated naman sila sa mga kaganapan sa ating bansa dahil isang pihit lang nila sa kanilang trusted transistor radio, alam na nila ang mga kasalukuyang pangyayari.

Picture this in your mind. Nagkaroon ng kalamidad. Walang kur­yente. Na-low batt na ang inyong smartphone. Makikita natin sa umpukan ng mga survivor na nakikinig sila sa transistor radio para sa updates. Isa ito sa mga dahilan kung bakit sa programa ng pamahalaan na ‘Laging Handa’ ay nire-require na dapat ay may kasamang radyong de-baterya ang survival kit para alam natin kung ano na ang sitwasyon sa paligid. Sa ibang platform ay mababasa na ang mga tweet o update, pero sa radyo, ang reporter ay nasa mismong pinangyayarihan ng anumang nagaganap at nagbibigay ng blow-by-blow account, in real time.

Kasama sa mga plano ko ang rehabilitasyon ng government-owned radio stations. Last year ay naglatag na ako ng blue print kung paano ito magagawa. Ngayong taon ay inilunsad ko na ito. Ang proyekto ay tinawag kong “Radio Rehab”—na pinaikli lang na Radio Rehabilitation program.

Sa ilalim nito, lahat ng government radio stations na nasa ilalim ng Philippine Broadcasting Service ay pagagandahin at lalagyan ng modernong kagamitan. Katuwang dito ng ating pamahalaan ang Chinese government.
Noong October 25, 2019 ay sinimulan ko na ang Radio Rehab program, at ang unang istasyon na sumailalim sa makeover ay ang Radyo Pilipinas – Butuan. Tuwang-tuwa ang mga kawani nila dahil ang mga gamit pala nila ay 28 years nang hindi napapalitan. Napapakagat-labi ako sa magkakahalong emosyon, na dahil sa pagkasabik nila sa mga bagong broadcast equipment gaya ng sound panels, microphones, headphones and radio consoles, habang ini-install pa lang namin, kunwari ay nagbabalita na sila kaya grabe ang tawanan. Iniisip ko, kung ako ang nasa kalagayan nila, ganito rin siguro ako ka-ecstatic. Kung brodkaster ka at mahal mo ang iyong trabaho, napakasarap maglingkod sa kapwa na makabago ang mga gamit mo.

Target ng aking departamento na ma-rehabilitate ang 10 pa na AM stations at 4 na FM stations ng Radyo Pilipinas sa buong bansa na nasa Cagayan de Oro, Davao, Cebu, Tawi-tawi at Batanes.

Nagpapasalamat ako kay dating Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua dahil instrumental siya sa pagkakaloob ng P130 milyong donasyon para sa Radio Rehab program ng ating gobyerno.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na ang government radio stations ay nagkaroon ng upgrade. Nangyayari po ito sa panahon ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte—na aminadong mas gustong nakikinig sa radyo para sumagap ng balita dahil naisasabay niya ang iba pa niyang trabaho kahit noong mayor pa lang siya ng Davao City.

Sa nangyayaring mga kalamidad ngayon sa ating bansa ay mahalaga na may transistor radio na de-baterya tayo sa ating tahanan para anuman ang mangyari, may pagkukunan tayo ng balita. Sabi nga sa isang analysis sa media reporting, nangunguna ang TV pagdating sa pagbabalita, mas marami ang nagre-relay na sa social media, pero ang nananatiling pinaka-steady at reliable na source pa rin at hindi nawawala ay ang radyo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy