Una sa Balita

NFA sa publiko: May masisimot pang supply ng bigas

0 1,569

MABILIS na kinalma ng Malacañang ang publiko sa ulat na ubos na umano ang ibinibentang bigas ng National Food Authority (NFA).

Kasunod ito ng pahayag ng Grains Retai­lers Confederation of the Philippines (Grecon) na wala ng ibinibentang NFA rice sa mga pamilihan sa National Capital Region (NCR) at ilan pang lalawigan sa bansa.

Sinabi ni Senior De­puty Executive Secretary Menardo Guevarra na sapat pa ang supply ng NFA kaya walang dapat na ipag-alala ang publiko.

Mababa aniya talaga ang stock ng NFA subalit sa kabuuan ay mayroon pa ring sapat na stock at hindi pa nasisimot.
“We all know na mababa na talaga ang stock ng NFA, but the overall rice supply is more than sufficient with plenty to spare. No need to panic,” ani Guevarra.

Batay sa pahayag ng Grecon, bukod sa NCR ay ubos na umano ang NFA rice sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon.

Pero kinontra ito ni Guevarra at pinanindigang mayroon pa ring sapat na supply ng NFA rice sa bansa.

Sinabi ng opisyal na walang shortage ng bigas kaya walang dahilan para baguhin ang schedule ng importasyon ng bigas.

“On NFA’s appeal na agahan ang import, wala naman pong shortage kaya same schedule lang po ng importation,” dagdag ni Guevarra.

Matatandaang uminit din ang isyu sa rice shortage noong Pebrero pero hindi naisulong ang importasyon ng bigas dahil iginiit ng gobyerno na walang kakapusan sa supply ng NFA rice.