Una sa Balita

NFA rice nagkakaubusan sa pelengke

By
0 1,881

KINUMPIRMA ni Senador Nancy Binay na tunay ang kakapusan ng NFA rice kasabay ng pagkwestyon sa hakbang ng inter-agency National Food Authority Council upang maresolba ito.

“Totoong may supply ng bigas sa mga palengke, pero nagkakaubusan na po ang tinitindang NFA rice,” giit ni Binay.

“Dahil sa kakulangan ng tinitindang NFA rice sa merkado, napupuwersa ang ating mga kababayan na bumili ng mahal na bigas,” dagdag nito.

Tinukoy ni Binay ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa presyo ng regular ay well-milled rice na tumaas ng P1 hanggang P3 bawat kilo sa anim na regional centers kabilang ang Kidapawan City, Naga City at National Capital Region.

“Kasama sa trabaho ng NFA ang siguruhin na mayroong sapat at murang bigas para sa lahat lalo na ngayong  damang-dama ng ating mga kababayan ang kakulangan sa NFA rice,” dagdag ni Binay.

Sa ngayon, ang presyo ng NFA rice ay nasa P27 at P32 bawat kilo habang ang commercial rice ay nasa P36 hanggang P41 kada kilo.

Kinuwestyon din ng senador ang pagpapaliban ng konseho sa importation ng 250,000 metric tons (MT) sa kabila ng pag-amin na nasa tatlong araw na lamang ang buffer stock nito.

“Kamakailan lang inamin na mismo ng NFA na tatlong araw na lang ang buffer stock ng NFA rice. Ano nang nangyari sa polisiya na dapat magkaroon ng 15-day buffer stock ang ahensya?” giit pa ng mambabatas.