Una sa Balita

NFA inutil, kakulangan ng bigas kakalkalin ng Kongreso

By
0 1,493

Isang resolusyon ang inihain sa Kamara ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano para im­bestigahan ang sinasabing kakulangan ng supply ng bigas ng National Food Authority (NFA) na nagpapakita lang umano­ ng pagiging inutil ng ahensiya sa mandato nito na tiyakin ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Sa pamamagitan ng House Resolution No. 1648 na inihain nitong Lunes, iginiit ni Alejano ang imbestigasyon kasunod ng pahayag ng ahensiya na magkakaroon diumano ng kakulangan sa supply ng bigas ng NFA sa ilang lugar sa bansa.

Inamin diumano ng NFA na tatagal na lamang ng hanggang tatlong araw ang buffer stock ng kanilang bigas na malayo sa 15-day buffer stock requirement. Ang pag-amin ay ginawa­ ng NFA matapos tiyakin sa publiko noong nakaraang buwan na may sapat na stock ng bigas na ipamamahagi sa accredited retailers.

“This, along with the steep price of rice in the current market, displays severe inefficiency on the part of the NFA. Further, this betrays their mandate of ensuring food security and stable rice supply in the country,” diin ni Alejano.

Maraming Pinoy ang tumatangkilik sa bigas ng NFA dahil mas mababa ang presyo nito. Pero dahil anya sa sinasabing kakulangan ng supply sa merkado ay mapipilitan ang mga konsumer na bumili ng bigas na mas mataas ang presyo.

Samantala, humirit kahapon ang NFA na pa­yagan silang makapag-import ng 250,000 metriko tonelada ng bigas dahil dalawang araw na lamang ang itatagal ng kanilang stocks.

Ikinatuwiran ni NFA Spokesperson Rebecca Olarte na nagkaroon ng pagkukulang sa kanilang stock dahil na rin sa malaking bulto nito ang ipinamahagi sa mga sinalanta ng bagyo gayundin sa Albay dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon at ang ­giyera sa Marawi City.

Umaasa ang NFA na aaprubahan agad ng NFA Council sa pamumuno ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. para makapag-import sila ng bigas.
Nobyembre pa umano nang humingi sila ng permit para makapag-import pero ang tanging ibinigay sa kanila ay ‘standby authority’ lamang noong Disyembre.