Una sa Balita

NFA inupakan ni Gatchalian sa pagkain ng binukbok na bigas

By ,
0 297

BINANATAN ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga kawani ng National Food Authority (NFA) na humarap sa media para kumain ng kanin mula sa binukbok na bigas.

Sinabi ng senador na hindi nararapat sa sino man ang pagkain ng mga bigas na napeste.

“Ang kanin na napeste ay hindi karapat-dapat kainin ng kahit sinong tao,” sabi ni Gatchalian.

Iginiit rin ng senador na hindi rin sapat aniya ang pagkain ng napes­teng bigas sa harap ng media para mabalewala na lamang ang naging kakulangan ng ahensya sa bayan.

“Hindi sapat ang pagkain ng kanin na may bukbok sa harap ng media para sabihin na walang pagkakamaling naganap,” giit ni Gatchalian.

Kamakailan, inilahad ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na ligtas ang pagkain ng mga bigas na nabukbok na sumailalim sa fumigation at pinatunayan ito ng mga opisyales ng NFA nang humarap sila sa media at kumain ng kanin na napeste.

Tinanggap din ni Piñol ang hamon sa kanya na kumain ng bigas na binukbok at nag-post pa ito sa Facebook ng video kung paano niya sinaing ito.

Hinugasan ni Piñol ang bigas nang ilang beses. Payo niya, paluta­ngin sa tubig ang bukbok at tanggalin ito. Kapag may kasamang bigas na lumutang, ibig sabihin nito ay marami nang nakain ang bukbok sa butil.