Una sa Balita

News personality madulas ang dila

0 506

PALAGING nasesentro sa pamba-bash ang isang kilalang lalaking personalidad na wala sa showbiz ang linya. Nasa seryosong hanay siya ng pagbabalita.

Pero kung bakit napakahilig niyang magpakawala ng mga komentong hindi nagugustuhan ng ating mga kababayan. Madulas kasi ang tubo ng kanyang dila.

Kuwento ng isang source sa mismong departamentong kinabibilangan ng news personality, “Mahilig kasi siyang mag-side comment. Hindi niya mapigilan ang dila niya. Kadalasan naman, e, naba-bash siya, kasi nga, sawsawero siya!

“Maraming beses na niyang ginagawa ang ganu’n, pero wala pa rin siyang kadala-dala! Kuda siya nang kuda na hindi man lang siya nag-iisip kung ano ang magiging bunga ng komento niya!” sabi ng aming source.

Sana raw ay sentruhan na lang ng male personality ang kanyang trabaho at ang pakikitungo sa kanyang mga nasasakupan.

Patuloy ng aming impormante, “Ay, napakakuring ng taong ‘yun! Kumakain siyang mag-isa, hindi siya marunong mag-share! Kunwari, nasa malayong location sila ng staff niya, magpapabili siya ng food na para sa kanya lang!

“Ang dahilan niya, e, may budget naman daw ang staff and crew mula sa production, kaya hindi na niya kailangang magpabili ng food para sa kanyang mga kasama!

“Malayung-malayo siya sa ibang mga kasamahan niyang news anchor na hindi nagsosolo lang kapag kumakain. Lahat, inililibre nila, hindi niya katulad na sobrang makasarili!

“‘Yun na lang ang pag-aralan niya, ‘yun na lang ang pakialaman niya, huwag na siyang nagko-comment ng kung anu-ano! Minamaliit niya ang mga nananahimik na personalidad, e, siya nga, ang dami-dami niyang bloopers!

“Hay, naku, mga kabayan, kailan kaya siya matututong kontrolin ang dila niyang napakadulas?” naiinis na pagtatapos ng aming impormante.

‘Yun na!

Gender ni Mark dahilan ng tamang hinala ng mga netizen

WALANG-wala nga siguro sa hinagap ni Mark Bautista na ang napakasimple niyang pagbati kay Carlos Edriel Yulo dahil sa tagumpay nito bilang Pinoy na atleta ay maglalagay pala sa kanya sa alanganin.

Ang simpleng pagbating ‘yun ay nilagyan ng malisya ng iba, flirting daw ang kanyang ginawa, nagpapapansin daw siya sa kampeong atleta ng gymnastics.

Dumepensa naman sa kanya si Carlos, huwag naman daw sanang lagyan ng kulay ang pagbati sa kanya ng singer, hindi raw flirting ‘yun.

May napabayaan din naman kasi si Mark sa kanyang pagbati, sana’y hindi niya na dinaan ‘yun sa pa-PM-PM, lantaran na lang sana niyang binati si Carlos sa FB, IG o Twitter account nito.

Ito namang si Carlos Yulo, inilabas ang pagbati sa kanya ni Mark na dapat ay pribado lang para sa kanilang dalawa, du’n na nagsimula ang mga alingasngas.

Hindi pa kasi nakakalimutan ng mga kababayan natin ang lantarang rebelasyon ni Mark tungkol sa kanyang gender. Sa isinulat niyang libro ay naging matapang ang magaling na singer-actor na bata pa lang siya ay meron nang nararamdaman ang marami tungkol sa kanyang kasarian.

Binanggit din niya sa libro ang minsang pagkakaugnay sa kanila ng isang sikat na male personality na naging dahilan ng paghihiwalay nito at ng kanyang girlfriend.

‘Yun ang mga dahilan kung bakit iniuugnay siya ngayon kay Yulo, nagpapa-charming daw siya sa atletang Pinoy na nagbibigay ng karangalan para sa ating bayan sa SEA Games, nag-one-plus-one agad ang marami.

Gusto na lang naming isipin na tulad nating lahat ay isang Pilipino rin si Mark Bautista na pumapalakpak-sumasaludo sa mga karangalang ibinibigay ng atleta para sa mahal nating bayan.

Ganu’n na lang.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More