Una sa Balita

Never say die.

Pamilyar ba kayo sa linyang ito?

0 2,459

Walang ayawan. Walang bitawan. Sugod lang hanggang makamit ang tagumpay.

Ilan lang ito sa mga katangian ng mga ganadong ka-barangay at ng kabuuan ng mga Pinoy na bumabangon at laging lumalaban sa hamon ng buhay.

At bilang pagkilala sa mga katangiang ito ng mga ganadong Pinoy, inilunsad ng Ginebra San Miguel, Inc. ang kauna-unahang Ginebra Ako Awards 2018 sa Tanghalang Aurelio Tolentino sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Disyembre 18, 2018 na naglalayong parangalan ang apat na natatanging ka-Barangay mula sa iba’t-ibang larangan.

Isa itong programa ng Ginebra San Miguel Inc., ang pinakamalaking manufacturer ng gin sa mundo—na subsidiary ng San Miguel Corporation, ang pinakamalaking conglomerate sa bansa.

Apat na natatanging ka-barangay ang nahirang ng Ginebra San Miguel para sa kategorya ng Ginebra Ako para sa Kabataan, Ginebra Ako para sa Kalikasan, Ginebra Ako para sa Palakasan at Ginebra Ako para sa Entablado

Mark Espesor
Mark Espesor

 Tinanggap nina Mark Espesor, ang pangulo ng Federation of Person’s with Disability Associations, Inc., ang award para sa Ginebra Ako para sa Kabataan; Teodoro Canda, ang nagtatag ng Nagpapakabanang Mananagat sa Tigao para sa Ginebra Ako para sa Kalikasan; Marquez Sangiao, ang head coach ng Team Lakay, isang martial arts group na nakabase sa Baguio City para naman sa Ginebra Ako para sa Palakasan at ang storyteller at director na si Joseph Keith Anicoche, para sa Ginebra Ako para sa Entablado award.

Ayon kay Ginebra San Miguel Marketing Manager Ronald Molina, may higit sa 30 na katao ang nominado sa nasabing mga kategorya na inirekomenda ng iba’t-ibang non-governmental organizations (NGOs).

Dumaan aniya ang mga nominado sa mahigpit na pagsusuri ng kanilang komite hanggang tuluyang mapili sina Mark, Teodoro, Marquez at JK na tunay na karapat-dapat sa nasabing pagkilala dahil sa kanilang husay at kakayanan upang maisakatuparan ang kanilang tungkulin.

Higit pa sa sipag, ang dedikasyon at pagpupunyagi bagamat may mga pagsubok na hinaharap ay malaking bahagi sa kanilang pagwawagi.

Mayroon silang malasakit na mahalagang katangian ng Ginebra San Miguel. Ang pagtulong sa kapwa ng walang inaasahang kapalit, pag unawa sa pagkakaiba ng bawat isa at kamalayan na ang lahat ay bahagi ng komunidad ang nagpapatunay ng pagiging pinuno ng mga kandidato.

Sinabi ni Molina na tunay na maipagmamalaki ang apat na awardee dahil sa ipinamalas nilang pagpupunyagi sa kinaharap nilang laban sa buhay.

Lakip ang never-say-die spirit sa kanilang mga puso sa araw-araw nilang pamumuhay, naging inspirasyon ang apat na buena-manong awardee sa kani-kanilang mga pamilya, trabaho, komunidad, at bawat taong nakakasalamuha nila.

At para ipagbunyi ang kanilang pagiging gando, nag-alay ng isang awit na sumasalamin sa buhay ng bawat Pilipinong Ganado sa buhay ang mang-aawit na si Quest.

Para kay Marquez, maraming oras na binalak niyang sumuko dahil sa naranasang mga pagkatalo, sakit ng katawan sa training at iba pang problema habang isinusulong niya ang pangarap niyang maging isang martial arts champion.

Marquez Sangiao
Marquez Sangiao

 “Always, always kong naisip na sumuko. Even in the training, naiisip ko bakit ko ba ginagawa ito? Pero dahil sa determinasyon, pati mental toughness nahahasa. Nakatulong din ng malaki ang core values na kalakip ng pag-aaral ng martial arts tulad ng discipline, humility, respect, compassion at courage. Ang martial arts naman ay hindi pulos pakikipaglaban, tinuturuan ka nitong maging mas mabuting tao,” paliwanag pa ni Marquez.

Para kay Marquez, alam niyang may hangganan ang lakas ng kanyang katawan pero mananatli siyang ganado sa pagtuturo ng martial arts sa kanyang mga estudyante hanggang kaya ng kanyang pisikal, kaisipan, emosyonal at ispiritual na lakas.

Payo niya sa kanyang mga tinuturuan: “Hanapin ang passion ninyo para mag-excel sa regalong ipinagkaloob ng Panginoon. Walang mahirap kung gusto ninyo ang inyong ginagawa. Huwag kayong sumuko hanggang makamit ninyo ang inyong pangarap.”

Tulad ni Marquez, inamin ni Mark na dumarating sa kanilang mga persons with disability (PWD) ang pagsuko. Bahagi aniya ito ng buhay kahit ng mga normal na indibiduwal.

Sabi niya, dalawang bagay ang maaring piliin sa buhay: ang matakot o magpatuloy.

“Pag natakot ka, mamamatay ka. Pag nag move forward ka, baka bukas may magandang mangyari,” ang positibo niyang pananaw.

Sa kabila ng kanyang kalagayan, nananatili siyang ganado lalo na pag nakikita niya ang mga batang may kapansanan na kahit mahirap ang buhay ay tumatawa at nagpupursigi pa ring mabago ang kanilang estado.

Tulad ng karaniwang lalaki, humahanga at hindi raw siya natatakot manligaw sa mga babaeng natitipuhan niya.

Pag-amin niya, 30 beses na siyang nabasted pero tuloy pa rin ang buhay.

Sa ngayon, masaya ang ang kanyang lovelife dahil may babaeng nagpapaligaya sa kanya na handa siyang samahan sa pagharap sa mga hamon sa buhay.

Ang mensahe naman niya sa mga PWD na dumaranas ng depresyon dahil sa kanilang kalagayan: “Gawin ninyong positive ang lahat ng negative sa inyong buhay. Hanapan ninyo ng positive side ang lahat ng inyong problema dahil kung hindi, kayo mismo ang papatay sa sarili ninyo. Bangon dahil maganda ang buhay.”

Samantala, mas nanaig naman ang pagnanais ni Teodoro na mailigtas ang kalikasan na nagbibigay ng buhay sa mas maraming tao kaysa sumuko at matakot sa iilan na nagtangkang patigilin siya sa kanyang adbokasiya na pangalagaan ang Inang Kalikasan.

“Sa loob ng 23 taon, nagbubunga na ng positibong resulta ang hangarin kong gawing malinis ang ating karagatan. Hindi ako nagpadaig sa mga pagbabanta dahil alam kong tama ang tinatahak kong landas,” sabi ni Teodoro.

Napansin niya ang unti-unting pagkasira ng kalikasan noong dekada 70, 80 at 90 dahil sa talamak na illegal fishing at illegal logging sa kanilang lalawigan.

Dumagsa ang pagbabanta sa kanyang buhay noong 1984 dahil sa pagnanais niyang hadlangan ang mga taong sumisira sa kanilang kalikasan.

Gayunman, kahit mapanganib ay hindi umano siya umatras.

“Matapang ako, hindi ako aatras. Yun ang nasa isip ko. Sila pa nga ang umatras dahil ang mga taong kontra sa ginagawa ko noon ang katulong ko ngayon sa pangangalaga sa aming karagatan at kabundukan. Nagpapasalamat ako dahil namulat ko sila sa kahalagahan ng ating kalikasan. Tinutulungan nila ako sa pag-educate sa tamang pagtatapon ng basura at pagbabantay sa mga taong magtatangkang umabuso sa aming kapaligiran,” sabi ni Teodoro.

Teodoro Canda
Teodoro Canda

 Ibang klase naman ang paligid na nais itayo ni JK sa kanyang mga palabas.

Para sa kanya, hindi lang nanonood sa kanyang mga palabas ang kanyang audience.

Ang gusto niya ay maging bahagi sila ng kanyang mga palabas. Umaarte sila ng ayon sa kanilang personal na pinagdaraanan, ginagawa o paniniwala sa tinatalakay nilang isyu o tema.

Hindi stereotyped o tipong may sinusunod na scipt ang kanyang presentasyon dahil humuhugot siya ng mga tao sa kanyang audience para gumanap sa kanyang mga palabas.

Mula sa kanyang apat o limang aktor, umaabot ito ng hanggang 21 dahil sa paglahok ng kanyang mga manonood. Ginigising ng kanyang mga palabas ang kamalayan ng kanyang mga gumaganap at nanonood para maging mas responsableng mamamayan ng bansa.

Nasa New York ngayon si JK at nag-aaral mula sa tinanggap niyang grant. Kasalukuyan ding nasa Marawi ang kanyang grupo para magtanghal mula sa isang grant na ipinagkaloob ng isang British community.

Samantala, sinabi ni Marketing Manager Molina na hindi ito ang una at huling pagkakataon na magkakaloob sila ng mga parangal sa mga indibiduwal na karapat-dapat kilalanin.

Representing Joseph Keith Anicoche
Representing Joseph Keith Anicoche

 Gagamitin aniya nilang daan ang kanilang programa para mas lalo pang gisingin ang damdamin ng bawat Pilipino na ipagmalaki ang kanyang pinagmulan, itaguyod ang kanyang mga prinsipyo at isabuhay ang pagiging Ganado sa kanyang araw-araw na pamumuhay.

Umaasa rin si Marketing Manager Molina na magpatuloy ang Ginebra San Miguel sa pagiging inspirasyon sa ating mga kababayan na palagiang maging Ganado at palaban sa buhay para patuloy na maisabuhay ang mga katangiang kapareho ng Ginebra San Miguel.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy