Una sa Balita

NEGOSYO, NOW NA!: Negosyong kabute (Part 2)

By
0 68

Mga kanegosyo, sa nakalipas kong kolum, nakilala ko si Aling Almira Beltran sa pagbisita ko sa Negosyo Center sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija kamakailan.

Maliban kay Aling Almira, nagkaroon din ako ng tsansang makausap si Monina Sarmiento, may-ari ng Kabuteng Barrio Mushroom Farm, na nakabase sa San Isidro, Nueva Ecija.

Tulad ni Aling Almira, napakaganda ng kuwento ng tagumpay ni Monina, na nag-aral at nagtrabaho sa United Kingdom ng pitong taon kasama ang kanyang asawa at anak.

Nag-aral si Monina ng nursing at nagtrabaho bilang adaptation nurse upang makakakuha ng lisensiya bilang ganap na nurse.

Ngunit kinumbinsi siya ng asawa na bumalik sa Pilipinas at magtayo na lang ng sariling negosyo sa kanilang ba­yan sa Nueva Ecija.

Nagpasya ang kanyang mister na gamitin ang natapos na kursong BS Biolo­gy sa Central Luzon State University at magsimula ng negosyong pagpaparami ng mushroom o kabu­te sa bahay ng kanyang bi­yenan sa Science City of Muñoz.

Tumutok ang kanyang mister sa produksyon at teknikal na aspeto habang inintindi naman ni Aling Monina ang marketing at pagbebenta ng kanilang mga produkto.

***

Sa kasamaang pa­lad, nagkaroon ng problemang personal ang mag-asawa na nakaapekt­o sa nasimulang negosyo.

Dahil likas na sa kanyang pagkatao ang pagiging malakas at hindi sumusuko sa gitna ng pagsubok, agad nakabangon si Aling Monina at nakapagsimula ng sarili niyang negosyo ng kabu­te sa kanyang bayan sa San Isidro, Nueva Ecija.

***

Hindi naging problema kay Monina ang pagpaparami ng kabute dahil nag-aral din siya sa CLSU ukol dito. Bilang umpisa, naglagay siya ng mushroom house sa kanyang garahe.

Naging malaking hamon para kay Monina kung paano patatakbuhin ang negosyo nang mag-isa. Pansamantala, na­ging jack of all trades siya at inintindi ang lahat ng aspeto ng negos­yo, mula sa pagiging pahinante, driver, marketing, at pagpapalago ng kabute.

Sa una, paunti-unti ang pasok ng kita ngunit nakapagtabi siya para sa pagpapatayo ng dagdag na dalawang mushroom house kung saan nakalagay ang mushroom fruiting bags kung saan tumutubo ang mga kabute.

***

Nang tumagal, dumami ang kliyente ni Monina kaya lumaki rin ang kanyang negosyo. Binuo pa niya ang Kabu­teng Barrio Farmers Association upang tulungan ang iba pang mushroom grower sa kanilang lugar.

Mga kanegosyo, ipinapakita ni Monina ang kahalagahan ng kaalaman at tiyaga. Kahit ano pa ang mangyari, kayang kaya nating magsimula muli at magtagumpay.

Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang kuwento ni Monina! Itutuloy ko ito sa susunod nating kolum at ilalahad kung paano nakatulong sa kaniya ang ating Negos­yo Center.

***

Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong magla­gay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa http://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

***

Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang ‘Go Negosyo sa Radyo’ kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.

Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!