NEGOSYO, NOW NA!: Hindi lang pang-negosyo, pang-legal pa

By

Mga kanegosyo, mali­ban sa mga isyung may kinalaman sa negosyo, nahaharap din ang ating micro, small at medium enterprises sa mga problemang legal.

Mula sa isyu ng business permit hanggang sa mga regulasyon ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, maraming kinakaharap na isyung legal ang ating MSMEs.

Madalas, ang mga maliliit na negosyante ay walang kakayahang magbayad ng abogado para ikonsulta ang ganitong uri ng problema.

Ang nakakalungkot, may mga okasyon na ang problemang ganito ay nagiging hadlang sa pagsisimula ng isang negosyo o ‘di kaya’y dahilan ng pagbagsak ng kanilang ikabubuhay.

***

Pero hindi na kaila­ngang mag-alala pa ang ating mga kanegosyo dahil malapit na ring magbigay ng tulong legal ang mga Negosyo Center sa buong bansa.

Ito’y matapos pu­mirma sa isang kasunduan ang Department of Trade and Industry Regional Operations Group (DTI-ROG) sa MyLegalWhiz, isang online-based l­egal platform na makapagbibigay ng tulong legal sa ating MSMEs.

Sa MyLegalWhiz, maaaring magtanong ang business counse­lors sa Negosyo Centers ng impormasyon na may kinala­man sa batas ng Pili­pinas at magpatulong sa paggawa ng mga kontrata na kailangan ng MSMEs.

Ayon kay MyLegalWhiz founder Atty. Dexter Feliciano, malaking tulong para sa kanila ang pagsilbihan ang libu-libong entrepreneurs sa pamamagitan ng Negosyo Centers.

Ang grupo ay mara­ming abogado na makatu­tulong sa pagsagot sa napakaraming isyung legal na kinakaharap ng MSMEs.


Umaasa ang grupo na mabibigyan ng sapat na kaalaman pagdating sa mga isyung legal ang ating MSMEs na makatutulong sa kanilang matagumpay na pagnenegosyo.

***

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa http://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

***

Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Ugaliing makinig tuwing Biyernes, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang ‘Go Negosyo sa Radyo’ kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kaganda­hang loob ng Go Negosyo at MBC.

Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!


SHARE