Una sa Balita

Negosyo at inobasyon: Para sa kabataang Pilipino

0 488

Pinaniniwalaan na ang pagne­negosyo ang daan sa ating pag-unlad. Kaya naman, pala­ging pinaaalalahanan ang ating kabataan na huwag matakot na makipagsapalaran, magkaroon ng sari­ling paraan upang kumita at sumubok ng mga bagay-bagay na makapagpapaangat sa kanilang pamumuhay—tulad na lamang ng entrepreneurship.

Isang magandang balita dahil kasama sa kurikulum ng ating mga elementary students ang paksang ito. Sa tulong at gabay ng kanilang guro, sila ay nakapagbebenta ng iba’t ibang produkto tulad ng paggawa ng bracelet o paghahanda ng cake o biskuwit, tinitiyak na maayos ang presentasyon at kalagayan ng kanilang mga ipinagbibili at dapat marunong silang magbigay ng tamang sukli at magkuwenta ng binili.

Sa senior high school naman, itinuturo ang paksang Accountancy Business and Management upang mapalawig ang kanilang karanasan sa pagsasagawa ng recording, costing, analyzing, interpretas­yon ng mga numero at iba pang mga pangunahing kaalaman tungkol sa pagnenegosyo.

Ilan lamang ito sa malawak na sakop ng edukasyon na maaa­ring mapulot mula rito. Naniniwala po kasi tayo na ang kanilang mga natututunan at sa kanilang pagdiskubre sa pagnenegosyo sa loob ng klasrum ay may makabuluhang epekto pagkatapos ng kanilang pag-aaral.

Ang isa pang magandang bunga nito ay ang mabilis na pagkuha sa trabaho. O ‘di kaya ay kung nais pa nilang palawakin ang natutunan mula sa K to 12 kurikulum, maaari silang kumuha ng kurso sa kolehiyong may espesyalisasyon sa business management o entrepreneurship dahil naengganyo sila sa pagtatayo ng sariling negosyo dala ng mabu­ting naidudulot nito.

Related Posts

Para sa kinabukasan ng ating kabataang mag-aaral at sa kanilang pamilya, kaisa tayo sa adhikaing ito sa Senado. Katunayan, isa sa aking inihain ay ang Se­nate Bill No. 1355 o Philippine Innovation Act, na kamakailan ay pi­nirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas na Republic Act No. 11293.

Bilang principal author at sponsor, nais kong magpasalamat kay dating Senadora Loren Legarda na ngayon ay Kinatawan sa Solong Distrito ng Lalawigan ng Antique dahil isa siya sa mga pangunahing nagtulak ng Philippine Innovation Act. Binuo ang batas na ito kasama ng iba pang mambabatas upang masuportahan at lalong mapalakas ang mga Micro, Small and Medium enterprises (MSMEs) sa ating bansa at sa buong mundo.

Base sa ating pag-aaral, 99.6 porsyento ng mga negosyo sa Pilipinas ay parte ng MSMEs. Dito pa lang ay hindi na kaila ang papel ng inobasyon sa magagandang potensyal na hinaharap ng ating bansa. Sa pamamagitan ng batas na ito, magkakaroon ng kompetis­yong pandaigdig ang mga MSMEs, at hindi lamang mga malala­king kompanya ang may kakayahang magtagumpay sa kanilang mga negosyo.

Dahil dito, todo ang ating suporta sa kabataang interesadong magtayo ng sarili nilang negosyo. Labis na malaki ang papel na kanilang ginagampanan sa pagkakaroon ng isang epektibo at makapangyarihang sistema ng inobasyon para sa ating ekonomiya. Kaya naman, ang kanilang malikhaing pag-iisip at pagiging determinado ay lubos nating hinihikayat at pinaghahandaan upang maging parte ng rebolusyonaryong reporma.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy