Una sa Balita

Negosyanteng Tsinay binusalan sa bibig, nakatali ang kamay at paa, binigti

By
0 211

NAKABUSAL ang bibig, nakatali ang mga paa at kamay, nakatakip ng kumot ang mukha at halatang binigti ng tela ng mga hindi nakikilalang suspek ang isang babae na negosyanteng Intsik nang matagpuan sa kanyang inuupahang silid, kamakalawa nang gabi sa Sampaloc, Maynila.

Nalaman lamang na patay na ang biktimang si Ria Chang, 40-anyos, general merchandise owner, nangungupahan sa No. 974 Apacible Building, Lerma St. sa Sampaloc dakong alas-10:00 nang gabi dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa kanyang silid.

Ayon sa Manila Police District-Police Station 4 , nakaamoy ng masangsang ang mga residente ng gusali kaya ini-report ito sa kanilang landlord na si Kagawad Cipriano Paderes.

Natunton naman umano nila ang pinagmumulan ng mabahong amoy sa silid ng biktima.

Nabatid na naka-padlock umano ang silid pero nang sumilip sila sa isang maliit na butas ay may nakita silang taong nakahiga sa kama kaya puwersahan na nilang binuksan ang silid ng biktima at tumambad ang namamaga na katawan ng biktima na hinalang may ilang araw nang patay.

Tinitingnang motibo ng pulisya ang pagpagnanakaw sa biktima matapos na madiskubreng naghalungkat ang suspek sa silid at nawawala na ang mahahala­gang kagamitan nito, nakakalat ang mga bag at nakabukas rin ang kanyang mga drawer.

Huli umanong nakitang buhay ng mga kapitbahay ang biktima noong Biyernes ng gabi pero wala naman itong kasama.

Wala namang ideya ang pamilya ng biktima kung sino ang posibleng gumawa ng krimen dahil wala naman umano silang alam na may kaaway ito.

Nananawagan rin ang pamilya ng hustisya para sa biktima at sinabing handa silang gumastos upang mapanagot lamang ang suspek sa krimen.

“Bigyan ng hustisya ‘yung pagkamatay sa kapatid ko. Kaya kung sino ka man, kung sino ka man, magtago ka na! Magtago ka na kung sino ka man. Kung kailangan naming gumastos, gagastos kami para mahanap ka. Hindi namin matanggap na ganyan ang kailangang mangyari sa kanya dahil wala naman eh. Mabait ‘yan eh,” ayon kay Raquel Balitustus, ka­patid ng biktima.

Patuloy naman ang imbestigasyon isinasagawa ng pulisya sa pagpatay sa biktima.