Negosyanteng binata, binaril sa mukha

By

Isang bala sa kanyang mukha ang agad tumapos sa buhay ng isang 39-anyos na binatang negosyante makaraang barilin ng hindi nakilalang suspek sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa report na isinumite kay QCPD Director Chief/Supt. Guillermo­ Lorenzo Eleazar, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), nakilala ang biktima na si Junnie Umlang, tubong Samar at nakatira sa No.36-A.Hill St., ng na­sabing Barangay.

Sinabi ni Eleazar na ang biktima ay pinatay, sa loob mismo ng tindahan nito, ng armadong suspek na hindi man lang nakuhanan ng pagkakakilanlan dahil wala umanong nakakita.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Ereño, ng CIDU, nangyari ang krimen dakong alas-11:50 ng gabi.

Sa pahayag kay SPO1 Ereño, ng kapitbahay ng biktima na si Lorna Valdez,

nasa loob siya ng kanilang bahay nang marinig ang isang malakas na puto­k ng baril. Ilang sandali lang ay lumabas siya para mag-usisa at dito niya nadiskubre ang duguan at nakabulagtang bangkay ng biktima.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) sa pa­ngunguna ni Chief/Insp. Nelson Sta. Maria, narekober sa crime scene ang isang basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril habang ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa kaliwang mukha.

Blangko pa ang CIDU kung ano ang tunay na motibo sa pamamaslang. 

SHARE