Una sa Balita

Negosyante timbog sa pamemeke ng government IDs

By
0 1,258

Huli ang isang businessman na umano’y namemeke ng iba’t ibang identification card ng mga government agencies sa isinagawang entrapment operation ng mga pulis sa Valenzuela City, Biyernes ng hapon.

Sa report ni P/ Sr. Inspector Jose R. Hizon, head ng Station Investigation Unit (SIU), mga kasong falsification of public documents at estafa (two counts) ang isinampang asunto kay Aldrin Romero, 48, ng No. 31 Baltazar St., Pacheco Village, Barangay Balubaran ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon nina PO3 Robin Santos at PO2 Regor Germedia ng SIU, bago inaresto si Romero, inisyuhan ng negosyan­te ng I.D. si Rassel Gonzales, 30, ng No. 53 Fortune 5, 3rd St., Paso De Blas, Valenzuela City.

“Itong si Rassel ay hihingi daw ng assistance sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) kaya kailangan ng ID ng BIR,” sabi ni Hizon.

Sinabi din umano ng suspek na awtorisado siyang mag-isyu ng ID ng BIR.

Pagdating ni Rassel sa CSWDO, nahalata ng kawani na si Michelle Abela na peke ang ID kaya hindi siya nakakuha ng ayuda sa nasabing ahensiya.

Dahil dito, humingi ng tulong kay Sr. Inspector Hizon ang biktima kaya kaagad na ikinasa ang entrapment operation kung saan si PO1 Koleen Primo ang nagkunwaring magpapagawa din ng government ID.