Una sa Balita

Negosyante niratrat sa loob ng Mercedes Benz

By
0 10

Hindi na nakababa pa ng kanyang luxury car na Mercedes-Benz ang isang 51-anyos na negosyante makaraang pagbabarilin ito habang ipinaparada ang kanyang sasak­yan ng hindi kilalang armadong suspek sa tapat ng isang Aesthetic Center sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa report na isinumite kay (Quezon City Police District) QCPD Director Chief/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), nakilala ang biktima na si Joseph Gutierrez y Argamaso, may-asawa, at naninirahan sa No. 7-Silver Spring St., Park Land State Subd., Brgy. Malanday, Marikina City.

Ayon kay Eleazar, pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktima dakong alas-6:10 ng gabi sa kahabaan ng West Avenue sa tapat ng Ellen’s Aesthetic Center, Brgy. Nayong Kaunlaran, Quezon City.

Abante Hiring – IT dep

Inilarawan naman ng mga nakasaksi ang nag-iisang suspek na naka-bull cap, stripes na polo shirt, at pantalon at armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jerome Dollente ng CIDU, base na rin sa naging pahayag ng mga kaibigan ng biktima na sina Jeanette Mendoza at Ed Francis Dale Diaz, ipinaparada ng biktima ang kanyang itim na Mercedes-Benz na may plakang No. 01018 nang lapitan ito ng suspek at basta na lang pinagbabaril.

Blangko pa ang CIDU sa motibo sa pamamaslang.