Una sa Balita

Negosyante nagregalo ng bahay at lupa sa dyowa ng aktor

By
0 3,153

Bakit kaya ayaw mamatay-matay ang kuwentong umiikot ngayon sa mundo ng mga ahenteng nagbabenta ng lupa at bahay at iba pang real properties? Ang bumibida sa istorya ay isang pamosong female personality.

Ayon sa kuwento ay ibinili ng isang milyonaryong negosyante ng house and lot sa isang pangmayamang subdivision ang babaeng personalidad. Daang milyon ang halaga ng lupa at bahay.

Sa ginawang pagkukuwenta ng mga miron ay imposibleng makabili ang female personality ng lupa at bahay sa naturang lugar. Napakamahal ng presyo ng lote du’n, tumatakbo nang dalawang daang libong piso o mahigit pa ang bawat metro kuwadrado, pagsama-samahin man ang kinikita ng female personality sa kanyang pag-aartista ay hindi sasapat ‘yun sa presyo ng house and lot sa napakapabolosong subdivision ng mga yayamanin.

Maraming tanong ang mga miron. Alam daw kaya ng karelasyong aktor ng pamosong female personality ang kuwento tungkol sa house and lot na pagmamay-ari niya sa subdivision na puro milyonaryo lang ang nakatira?

At alam daw kaya ng mga magulang ng female personality na meron na siyang bahay sa pinapangarap na lugar ng kahit sino? Ayon sa mga impormante ay may alam ang ina ng female personality tungkol sa house and lot, kailangan pa raw kasi ng gabay ng magulang ng magandang female personality, kaya siguradong alam ni mommy na may nagregalo ng pabolosong house and lot sa kanyang baby.

Pero puwede rin naman kasing ang naturang property ay matagal nang pangarap ng female personality, baka naman itinaktak na niya ang lahat ng laman ng kanyang bulsa at bank book para lang siya magkaroon ng propyedad sa pangmilyonaryong subdivision bilang down-payment, huhulug-hulugan na lang niya buwan-buwan ang natitirang balanse.

Ano kaya ang nakawiwindang na pangyayaring maaaring pumutok kapag nalaman ng boyfriend ng female personality ang kuwento tungkol sa regalong bahay sa kanya ng milyonaryong businessman?

Abangan!!!!

Maricel, John Lloyd mas type magpahinga kesa magtrabaho

Nagkakagulo na ang mga tagahanga ni Maricel Soriano, hindi na sila mapakali, gusto na nilang hilahin ang panahon para mapanood na uli nila ang Diamond Star sa isang serye.

Kumpirmadong kasama sa cast ng The General’s Daughter si Maricel, ang seryeng ito ang papalit sa time slot ng matagumpay na Ang Probinsiyano na malapit nang magwakas, matitinding personalidad na naman ang bibida sa serye.

Panahon na para muling mapanood si Maricel sa isang seryeng gabi-gabing susubaybayan ng ating mga kababayan. Sayang ang kanyang talento kung basta nakapahinga lang. Hindi man kalawangin ang husay niya sa pag-arte ay iba pa rin ‘yung nandiyan siya at nakikipagsabayan.

Sabi ng isang kaibigan namin ay si Maricel Soriano raw ang female version ni John Lloyd Cruz, ang pagkakaiba lang nila ay walang lovelife na tinututukan ngayon ang Diamond Star, pero pareho silang mas gustong magpahinga kesa sa magtrabaho.

Pana-panahon lang ‘yan. Namahinga man nang mahabang panahon si Marya ay ito na ang oras na hinahanap na ng kanyang katawan ang pagtatrabaho. Hinding-hindi kayang talikuran ni Maricel Soriano ang propesyong kakambal na ng kanyang pagkatao mula nu’ng maliit pa lang siya.

Siguradong gustung-gusto na niyang humarap sa mga camera ngayon, hinahanap na ng kanyang sistema ang taping at shooting, dahil bali-baligtarin man natin at itahip ang mundo ay siya ang Diamond Star na may matindi nang napatunayan bilang aktres.