Una sa Balita

Negosyante ginilitan ng leeg

By
0 2

Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang negosyante matapos na ito ay gilitan ng leeg at pagsasaksakin pa ng mga nanloob sa kanyang bahay sa Sitio Maligaya, Barangay Pagsawitan, Sta. Cruz, Laguna kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Elicardo Domingo Par alyas ‘Ely’, 64-anyos.

Sa pahayag sa pulisya ng mga testigo, alas-8:30 ng gabi nang makarinig sila ng tila kaguluhan mula sa loob ng bahay at isang malakas na sigaw ng “aray”.

Makalipas ang ilang minuto, tatlong lalaki ang nakitang palabas na ng bahay at tumalilis sa ‘di mala­mang direksyon.

Kinilala ang isa dito na si Michael Macatangay na tagaroon din sa nasabing barangay.

Nang dumating ang mga imbestigador, nakita ang biktima na naliligo sa sariling dugo, wala nang buhay, at tadtad ng saksak at taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nilimas din at hinalukay ng mga suspek ang mga ari-arian ng biktima.

Napag-alaman na ang biktima ay nag-iisang nakatira sa kanyang bahay matapos magbakasyon sa Baguio ang mga kasama nito.