Una sa Balita

NCRPO, MPD dumipensa sa mahigpit na pagbabantay sa Traslacion

0 214

Ipinagtanggol ni Manila Police District (MPD) director Police Brig. Gen. Bernabe Alba ang implementas­yon nila ng mahigpit na crowd ma­nagement sa katatapos na Traslacion 2020 para sa Itim na Nazareno kamakalawa sa Maynila.

Ito ay matapos na punahin at magreklamo ang ilang deboto nang masaktan habang pinipigilan ng mga pulis na makaakyat sa unahan at gilid na bahagi ng andas ng imahe ng Nazareno.

Nabatid na pinapayagan lamang ang pag-akyat at paghawak sa lubid ng andas sa huling bahagi nito, upang maiwasan ang kaguluhan at magkaroon ng kaayusan sa prusisyon.

Sa kabila nito, sinabi ng mga deboto na tinulak sila, nasiko at naapakan pa ng combat shoes na suot ng mga pulis.

Sinabi naman ni Balba na kaila­ngan nilang maging mahigpit sa pagtupad ng kanilang tungkulin para na rin sa kaligtasan ng lahat at upang matiyak na maiiwasan ang kaguluhan at mga hindi kanais-nais na pangyayari na maaari aniyang magresulta sa mass casualty.

Ipinagtanggol din ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Police Brig. Gen. Debold Sinas ang mga pulis na nakatalaga sa Traslacion.

Aniya, sa susunod na taon posibleng ipatupad muli ang mga ginawang pagbabago sa Traslacion 2020. ­(Juliet de Loza-Cudia/Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More