Una sa Balita

NCRPO chief umamin: Mandaluyong shooting, overkill

By ,
0 3,676

Hindi umano malayo ang posibilidad na ‘overkill’ ang nangya­ring pamamaril sa isang AUV ng 10 pulis-Mandaluyong sa panulukan ng Shaw Boulevard at Old Wack Wack dahil sa nakuhang 36 basyo ng bala kung saan ikinasawi ng dalawang katao at malubhang ikinasugat ng dalawa pa kamakalawa ng gabi.

“Were not hiding anything here. We’re not discounting the possibility…that there may be overkill,”sabi pa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde sa idinaos na press briefing.

Kaugnay nito, agad na sinibak sa puwesto si Mandaluyong Chief of Police, Senior Superintendent Moises Villaceran, at ang 10 pulis na sangkot sa madugong ‘misencounter’.

Bukod kay Villace­ran, kinilala ang mga sangkot na pulis na sina Senior Inspector Vasquez, team leader; PO2 Nel Songalia; at ang walong PO1 na sina Jave Arrellano, Tito Danao, Bryan Nicolas, Julius Libu­yen, Mark Castillo, Albverto Buag, Kim Tinbusay, at Alfred Urbe, pawang nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) ng Mandaluyong police.

Ang insidente ay nag-ugat matapos na ratratin ng mga pulis-Mandaluyong ang isang kulay pu­ting Mitsubishi Adventure na ikinasawi ng dalawang biktimang nakilalang sina Jonalyn Ambaon, at Jomar Hayawon, habang su­gatan pa ang dalawang kasamahan nilang sina Eliseo Aluad, live-in partner ni Jonalyn, at ang drayber ng Asian utility vehicle (AUV) na si Danilo Santiago.

Ayon sa ulat, dakong alas-10:20 ng gabi, nang unang nagkaroon ng away ang grupo ni Ambaon­ laban sa hindi pa kila­lang mga suspek dahilan upang mabaril sa ulo ang babae sa isang construction site sa Brgy. Addition Hills.

Tinangka sanang dalhin sa ospital si Ambaon kasama ang anim pang lalaki kabilang ang dalawang su­gatan at isang nasawi subalit dumating ang mga Bantay Bayan ng lugar na akala ng mga biktima ay tutulungan sila subalit laking gulat nila ng dalawa sa mga sakay ng mobile patrol ay naglabas ng baril at pinagbabaril sila.

Inutos na rin ni Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos ang pagsuspendi sa mga barangay tanod na sangkot sa pamamaril.