Una sa Balita

NCAA: Perez taga-rescue ng Lyceum Pirates

By
0 3

Patuloy ang pamamayagpag ng Lyceum of the Philippines sa second round ng 93rd NCAA basketball tournament.

Tinuhog ng Pirates ang dalawang sunod na panalo sa second round upang ilista ang 11-0 karta ito’y dahil sa malaking ambag ni CJ Perez.

Kung gaano kalakas sa first round ay nadagdagan pa ang tikas ni Perez sa second, nag-average ito ng 18.0 points, 9.0 rebounds, 2.0 assists at 1.0 steal sa huling dalawang laro.

Kaya naman tinanghal kay Perez ang Chooks-to-Go-NCAA Press Corps Player of the Week matapos ungusan sina Javee Mocon ng San Beda at Prince Eze at Gab Dagangon ng Perpetual Help sa weekly citation.

Tumikada si 23-year-old Perez ng 14 points sa first quarter ay may kabuuang 22 points at siyam na rebounds sa kanilang panalo kontra Mapua, 96-90, noong Martes.

Muling nagpakitang gilas noong Biyernes, inakbayan ni Perez ang Pirates sa 83-69 panalo laban sa College of Saint Benilde.

Kahit malaki ang tsansa ng Lyceum na sumampa sa semifinals, itutuloy pa rin nina Perez at ng kanyang mga tropa ang magandang performance upang matupad ang asam na masungkit ang kauna-unahang titulo sapul nang sumali sa liga.

“Tulad nga ng sinasabi ni coach sa amin, ‘yung other teams nakaka-catch up na,” saad ni Perez.

Pinaalalahanan naman ni Pirates coach Topex Robinson ang kanyang mga bataan na mas mahihirap ang kanilang tatahaking landas sa second round dahil lahat ng teams ay pinag-aaralan na sila.