Una sa Balita

NCAA chess: San Beda at Letran kampeon

By
0 25

Pinisak ng San Beda College ang Lyceum of the Philippines, 3-1 upang siluhin ang seniors title habang nasikwat ng Letran ang juniors crown matapos nilang pagpagin ang Perpetual Help, 3.5-.5 sa 93rd NCAA chess competitions sa LPU Auditorium sa Intarmuros, Manila.

Nagtala ng panalo sina FIDE Master Mari Joseph Turqueza at Marc Christian Nazario sa boards one at three habang nakipaghatian ng puntos sina McDominique Lagula at Prince Mark Aquino kina Romulo Curioso, Jr. at Virgen Gil Ruaya sa second at fourth boards ayon sa pagkakasunod upang kumpletuhin ng Red Lions ang kanilang title defense.

Sumandal ang Squires kina Christian Mark Daluz, Melito Ocsan, Jr. at Eric Robert Yap upang hablutin ang panalo sa first three boards habang draw ang laban ni Alexis Anne Osena kay Jerome Angelo Aragones para makopo ang korona.

Kahit natalo, ipinakita ng Perpetual Help na kaya nilang makipagsabayan sa ibang mga tigasing eskuwelahan, tumapos ng third at nakapasok pa sa Final Four matapos ang elimination round.

Dalawang beses kinalos ng Perpetual Help ang second seed San Beda, una 2-2 draw pero naibigay ang panalo sa kanila matapos ipatupad ang higher board victory, pangalawa ang 3-1 panalo kaya nakahirit sila ng laro kontra Letran sa championship round.

Ipinakita ng Squires na ginagabayan ni coach National Master Roland Joseph Perez, ang kanilang lakas laban sa Roel Abelgas-trained Junior Altas.