Una sa Balita

NBA: Knicks, Rockets ‘di magkasundo

0 1

NEW YORK — Hindi pa rin nagkakasundo ang New York Knicks at Houston Rockets sa negosasyon kay Carmelo Anthony.

Tuloy ang pag-uusap ng magkabilang panig, pero wala pang deal na maaaring sabihing konkreto na, ayon sa source na nakakaalam sa sitwasyon.

Ayon sa source, nagsabi na si Anthony na tatanggapin niya sakaling ibigay siya sa Rockets.

Sa panayam ng The Associated Press sa ayaw magpakilalang source, sinabi nitong patuloy ang negosasyon at nananatiling ‘in private’ ang lahat ng detalye.

Si Anthony ay may ‘no-trade’ clause sa kanyang kontrata sa Knicks at malamang pumayag sa anumang deal na mapagkakasunduan. Sinabi rin niya sa Knicks na iwi-waive niya ang kontrata para mapunta lamang siya sa Houston o kaya’y sa Cleveland.

Sinisikap ng Knicks na mai-trade ang nasabing All-Star forward, pero nahihirapang makipagsara ng deal.

Trenta’y tres anyos na si Anthony at may nalalabi pang dalawang taon at $54 million sa kanyang kontrata at natitigilan ang koponan na i-trade ang player dahil inaasahan na nilang iba-block ito ni Anthony.

Matagal nang sinasabi ni Anthony ang pagnanais na manatili sa New York, pero naaakit siya sa Houston, matapos lumipat doon ang close-friend na si Chris Paul mula sa Clippers sa naganap na trade may dalawang linggo na ang nakararaan.

Ang Rockets ay nakatakdang pormal na ipakilala si Paul sa isang press conference sa Biyernes (Sabado sa Manila).