Una sa Balita

Nawalan ng komunikasyon sa anak na nasa Kuwait

By
0 7

Lalo pang tumataas ang bilang nang mga humihingi ng tulong na mga kaanak o pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagtratrabaho sa iba’t ibang bansa mula sa tanggapan ng Overseas Welfare Workers Admi­nistration (OWWA).

Kamakailan, dumulog sa tanggapan ng Repatriation Office ng OWWA ang pamilya ng isang Pinay domestic helper na taga-Ilocos Norte mula sa bansang Kuwait dahil sa ilang buwan na silang walang kontak o anumang impormasyon sa sinapit ng kanilang anak.

Ayon kay Ginang Emy Alberto, nasa hustong gulang, naninirahan sa Barangay Bubuos, Ilocos Norte kamakailan lamang ay kumalat ang larawan ng kanyang anak na si Villa Mhia, 26, sa Facebook na namumugto ang mga mata at nakitaan din mga sugat sa leeg.

Pahayag ng ginang, noong pang Abril 4 ng taong kasalukuyan ang hu­ling pag-uusap nila ng kanyang anak na nagsasabing gusto na nitong umuwi ng Pilipinas at dahil sa nahihirapan ito sa kanyang trabaho bilang kasambahay sa bansang Kuwait.

Makalipas ang isang linggo nakita na lamang ng pamilya Alberto ang pagkalat ng larawan ng kanilang anak sa Facebook na kung saan sinubukan nilang tawagan ang cellular phone pero hindi na nila ito makontak.

Dito na nag-alala ang pamilya Alberto kung ano na ang nangyari sa kanilang anak.

Naghintay pa sila ng mga ilang araw para tawagan muli si Villa Mhia ngunit hanggang sa lumipas ang isang buwan ay hindi pa rin nila makontak ang OFW kaya’t napilitan na silang humingi ng tulong sa OWWA upang masagip ang kanilang anak.

Sinabi pa ng ginang nang huling makausap niya ang kanyang anak na sinasaktan umano ito ng kanyang kapwa kasambahay na isang Ghanaian at hindi pa ito pinapakain sa oras.

Kaya’t labis na nag-alala ang pamilya Alberto hinggil sa kalagayan ng kanyang anak.

Sinabi pa ng ginang, nangako sa kanya ang OWWA na tutulungan silang matunton ang kanyang anak at makiki­pag-ugnayan na rin ang ahensya sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait para maiuwi na sa Pilipinas ang OFW.