Una sa Balita

Nauwi sa pissed talks

By
0 29

Nakalulungkot ang mga pinakabagong pangyayari sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at rebeldeng komunista.

Mula kasi sa peace talks, nauwi na sa pissed talks ang lahat dahil sa bangayan nina Pangulong Digong Duterte at mga lider ng National Demo­cratic Front of the Phi­lippines sa pangunguna ni Jose Maria Sison.

Sa totoo lang, nang manalo si Duterte, marami ang umasa at nag-akala­ na mawawakasan na ang may 50 dekada ng pakikidigma ng komunistang grupo dahil kilala ang Pangulo na malapit sa mga ‘kaliwa’ noong alkalde pa lang siya ng Davao City.

Katunayan, may mga pumuri at pumuna rin nang hirangin niya­ at ita­laga sa gobyerno ang ilang personalidad na kilalang kaalyado ng mga ‘kaliwa.’ Bukod doon, aba’y inaprubahan kaagad niya­ ang six-point peace and development agenda kaugnay sa pakikipagnegosasyon sa mga komunistang grupo.

Kaya naman sa kanyang unang State of the Nation Address, musika sa pandinig ng mga naghahangad ng kapayapaan ang pagdeklara ni Duterte ng unilateral ceasefire sa CPP-NPA-NDF, at gayundin ang pagdedeklara ng mga rebelde ng tigil-putukan laban sa tropa ng pamahalaan.

At dahil sa magandang ugnayan ng gobyerno at makakaliwang grupo noon, aba’y ilang buwan na naging tahimik ang lansangan sa mga rally. Kahit pa nagkakaroon na ng mga ingay at disgusto sa sunod-sunod na patayan bunga ng idineklarang war on drugs, walang malakihang kilos protesta na naganap. 

Pero nang isa-isang malagas sa gobyerno ang mga ‘makakaliwa’ na iti­nalaga ni Duterte, at magsimula na ring umasim ang relasyon ng pamahalaan sa komunistang grupo dahil sa alegasyon ng patuloy na pag-atake ng NPA sa mga sundalo at pulis, at panununog sa mga heavy equipment ng mga mala­laking negosyo gaya ng minahan, aba’y inasahan na raw ng ating kurimaw na magkakaroon ng problema ang gobyerno sa mga protesta kontra sa war on drugs dahil magkakaroon na ng ika nga eh ‘warm bodies’ sa lansangan.

Sa totoo lang, kilala kasi ang mga ‘kaliwa’ na mahusay sa mobilisasyon o pagkuha ng mga tao na sasama sa rally sa pamamagitan ng mga kaalyado nitong mga grupong pangmasa o maralita.  Kaya kung dati ay mga grupo na kontra lang sa war on drugs at extrajudicial killings ang maingay na nagpoprotesta, ngayon ay nadagdagan na sila mula sa hanay ng mga sumusuporta sa ‘kaliwa.’

Sa ngayon, tila malabo pa ang pag-asa na magbago ang isip ng Pa­ngulo laban sa mga rebeldeng makakaliwa dahil kamakailan lang ay pormal na niyang idineklara ang pagpapatigil sa panig ng gobyerno sa pakiki­pagnegosasyon sa mga komunista.

Kasama pa nga rito ang banta ng Palasyo na ipadarakip ang mga opisyal ng makakaliwang grupo na pinalaya ng pamahalaan para makibahagi sa usapang pangkapayapaan. Ang komunistang grupo naman, mukhang hindi rin nagpapasindak sa mga banta ng Palasyo.

Pero dahil sa puro banta pa lang at pa­litan ng putak ang nangyayari sa ngayon, may dahilan pa para hindi pa tulu­yang mawalan ng pag-asa ang mga nagha­hangad ng kapayapaan sa dala­wang grupo.

Sana ay may mamagitan na mga malalamig ang ulo at hikayatin ang mga lider ng magkabilang grupo na huwag ikandado ang linya ng komunikasyon at bigyan pa rin ng pagkakataon na umiral ang kapayapaan kaysa sa pagpapatayan ng Pinoy sa Pinoy. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)