Una sa Balita

National Tech-Voc Day 2018

By
0 79

Sa kauna-unahang pagkakataon, ipagdiriwang po sa buong bansa ang National Tech-Voc Day ngayong ika-25 ng Agosto.

Bunga po ito ng batas na sinulong natin sa Senado, ang Republic Act No. 10970 o ‘An Act Declaring the 25th Day of August of Every Year as the National Tech-Voc Day’.

Matagal na panahon pong nagkaroon ng ‘stigma’ o second-rate status ang mga tech-voc o blue collar worker sa bansa dahil sa paniniwalang college diploma ang tanging pasaporte sa pag-asenso.

‘Di hamak na mas malaki pa nga po ang suweldo sa abroad ng ating mga skilled worker kumpara sa mga propesyonal dito sa Pilipinas tulad nina Leo Enriquez at Eugene Tero na mga taga-Dumaguete at ngayo’y mga butcher sa Australia.

Batid din po ng mga employer, lalo na sa IT-BPO at semi-conductor and electronics industries, ang importansya ng tech-voc sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga manggagawa dahil ito’y maikli, mabilis, at mas mura kumpara sa kolehiyo.

Patunay po dito ang kuwento ni Mark Escora na isang PWD at dating jeepney barker, na ngayo’y isang BPO supervisor sa Bacolod City matapos kumuha ng ilang buwang Fi­nishing Course for Call Center Agents.

Wala rin pong pinipiling edad ang tech-voc dahil ang da­ting pa-extra-extra sa pananahi na si Gng. Teresita Abranilla na taga-Oriental Mindoro ay nakapagpundar ng sariling tailoring shop pagkatapos ng training sa Dressmaking NCII at mapagkalooban ng libreng Singer ­Sewing Machine.

Malaki rin po ang kontribusyon ng tech-voc para mabigyan ng alternatibong pagkakakitaan ang mga returning OFW tulad ni Henry Basilan na kumuha ng Machi­ning NC II matapos ang kanyang kontrata sa abroad at ngayo’y isa nang entrepreneur sa Laguna.

 
May mga kompanya rin pong nagbawas ng mga entry requirement sa mga bagong aplikanteng may mga TESDA National Certificate (NC) tulad ng Monark/Caterpillar – palatandaan lang po ng tiwala nila sa ating mga certified na espesyalista.

Ang mas mataas na tingin po ngayon sa tech-voc ang nag-udyok sa pamahalaan na isama ito sa basic education curriculum sa ilalim ng progra­mang K-12.

Pinalawig din ang scholarship sa tech-voc sa ilalim ng ‘Universal Access to Quality Tertiary Education Act’ kung saan libre na po ang tuition at miscellaneous fee sa mga state-run tech-voc institution sa bansa.

Tunay na mahalaga po ang tech-voc sa paglikha ng trabaho, pagpapatatag ng ating mga industriya at pagkamit ng pambansang kaunlaran.

Makabuluhang pagdiriwang po ng kauna-unahang National Tech-Voc Day 2018!

Job Fair Schedule 

August 23-24 – Agusan Del Sur Provincial Job Fair; PESO Office, Patin-ay; Prosperidad, Agusan Del Sur

August 24 – Barangay Job Fair; Kabuha­yan Center Camachiles Resettlement Center; Mabalacat City, Pampanga

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)