Una sa Balita

National certificate

By
0 1,888
Noong nakaraang linggo, pinag-usapan po natin ang mga benepisyo ng K-12 Program lalo na ang Technical Vocational and Livelihood (TVL) Track sa Senior High School (SHS). 
 
Nabasa ko po ang reaksyon ng mga magulang tungkol dito. Lubos ko pong nauunawaan ang kanilang hinaing na dagdag gastos talaga ang dalawang taong ilalagi sa SHS ng kanilang mga anak. Nabanggit nga po ng ilan na dapat na raw pong ipatigil ang K-12 Program.
 
Subalit kailangan na­ting unawain na bago ipatupad ang programa noong 2012, tanging Pilipinas na lamang po sa buong Asya at isa sa tatlong bansa sa buong mundo ang nananatiling may sampung taong basic education. 
 
Sa ganitong istruktura ng ating edukasyon, hindi po ‘comparable’ ang ku­walipikasyon ng Pinoy sa ibang mga lahi. Apektado po nito ang antas o uri ng trabaho at sweldong maaaring makuha ng isang Pinoy, dito man sa bansa o abroad.
 
Sa kabilang banda, batid natin ang kakulangan sa mga equipment, workshops at tech-voc labs sa halos 8,000 public high schools para sa hands-on learning ng mga mag-aaral ng TVL Track. 
 
Kaya’t iginiit po natin ang mas malaking pondo para sa pagpapagawa ng tech-voc labs sa 2018 budget. Ganun po muli ang gagawin natin kapag nagsimula na ang deli­berasyon ng 2019 budget para matiyak na ang mga K-12 grads, ready for jobs.
 
Upang maibsan ang pangambang hindi ‘employable’ ang mga K-12 students na magtatapos ngayong Marso, ipapatupad ngayong Peb­rero ang Joint Deli­very Voucher Program for Senior High School TVL Track (JDVP-TVL). Aabot po sa P1 bilyon ang pondong­ inilaan dito ng DepEd.
 
Ito po’y tuition fee assistance para sa mga pi­ling Grade 12 TVL Track students. Magagamit po nila ang vouchers para makapag-cross-enrol sa mga Technical Vocatio­nal Institutions (TVIs) o sa mga private SHS na kumpleto sa equipment at facilities. 
 
Pilot program pa lang po ang JDVP-TVL subalit magagamit na ito sa 958 public SHS sa buong bansa. Pagkakalooban po ang kada beneficiary ng P15,475. May P550 subsidy din para sa competency assessment at para makakuha sila ng National Certificat­e (NC).
 
Kung kayo po ay may mga anak na kasaluku­yang Grade 12 TVL Track sa isang Public High School, maaari po kayong magtanong sa pamunuan ng paaralan kung paano maka-avail ng voucher sa ilalim ng programang JDVP-TVL.