Una sa Balita

National Campus Press Freedom Day Act, gawin nang batas!

By
0 72

Maraming kabataan ngayon ang nahihilig na maging writer o reporter dahil siguro sa impluwensiya ng telebisyon, radio, dyaryo o maging sa online news ay nagkakaroon sila ng idolo. Dahil dito, nabubuksan ang pag-iisip nila sa iba’t ibang impormasyon, opinyon at damdamin tungkol sa maraming bagay at isyu na pumapaligid sa kanila.

Sa pamamagitan ng pagsali sa student publication, mapa-elementary, high school o kolehiyo man, nabibigyan na sila ng oportunidad na madiskubre at ma-practice ang kanilang kakayahan na magsaliksik, sumulat at magpahayag. Kaya naman habang tumatagal, mas lalo nila itong pinapangarap at tumataas ang tyansang kunin nila ang journalism bilang propesyon.

Sa ating 1987 Constitution, kinikilala ang kalayaan ng lahat sa pamamahayag. Kaya naman masaya kong binabalita sa lahat na pasado na sa third at final reading sa Senado ang Senate Bill No. 747.

Sa pangunguna ni Senate Committee on Education, Arts, and Culture chairperson Senator Chiz Escudero, idinedeklara sa panukala na National Campus Press Freedom Day ang ika-25 ng Hulyo kada taon.

Nakasaad din sa nasabing Senate bill kung saan vice chairperson ang inyong lingkod, na imamandato ang lahat ng pribado at pampublikong eskuwelahan na suportahan ang selebrasyon nito.

Daan ito para mas ma-expose na agad sila sa mga mahahalagang usapin sa bansa upang maibahagi rin nila ang kanilang nalalaman at saloobin sa kanilang kapwa. Sa ganitong paraan, naipapakita rin nila ang pagmamahal sa bayan at naihahanda sila sa pamumuno nito pagdating ng panahon.

Sana maging batas na ito bago matapos ang taon. Kasabay ding naipasa sa Senado nitong nakaraang linggo ang Senate Bill No. 756 o ang Natio­nal Student Leader’s Day Act na kung saan ang selebrasyon naman ay itinakda ng ika-16 ng Nobyembre kada taon.

Mga kabataan, alalahanin na ang campus journalism ay walang pinagkaiba sa propesyunal na pamamahayag. Kaya hinihikayat ko kayo na gawin ito nang patas, may integridad at katapatan. At siyempre, huwag pa ring kakalimutang mag-enjoy sa inyong ginagawa. Panigurado, walang mas sasaya pa na makita ninyo ang inyong pangalan sa papel bilang writer, contributor, researcher o editor-in-chief!
Tiyaking tama at responsable ang pamamahayag at mahalin ang inyong talento. Galingan ninyo, mga campus journalists! Kayo ang boses ng kabataang Filipino.