Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

National Bible Day

0 180

Isang malaking biyaya po ang Republic Act No. 11163 na ating isinulong sa Senado at nagdedeklara sa huling Lunes ng Enero bilang “National Bible Day”.

Dahil dito, lumawak po ang oportunidad nating maipalaganap ang pagbabasa ng Bibliya sa lahat ng mga Pilipinong Kristiyano sa loob at labas ng bansa.

Nagagalak po tayo dahil naiulat noon ng

National Book Development Board na ang Bibliya pa rin ang “top choice” na libro ng 72% ng mga Pilipino.

Lalo po nating nakikita ang importansya ng RA 11163 ngayong humaharap ang buong mundo sa napakabigat na pagsubok dahil sa COVID-19.

Nasusulat nga po sa ating Bibliya, “Ang tao’y hindi lamang sa tinapay nabubuhay, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4).

Tunay, kailangan po natin ng mga Salita ng Diyos para punuin tayo ng pag-asa at kasigasigang ipagpatuloy ang ating trabaho at misyon sa bayan sa kabila ng krisis na ating nararanasan.

Ito po ang magpapatibay sa atin at magbibigay ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok at mapagtagumpayan ang salot na bumabalot sa ating lipunan.

Hindi po matutumbasan ng anumang pangyayari sa ating kasaysayan ang tindi ng mga pagbabagong udyok ng sakit na novel coronavirus.

Hindi na raw po tayo makababalik sa dati. Kailangan na raw po nating sumabay sa “new normal”. Subalit nagbago man po ang lahat, hindi ang Salita ng ating Panginoong Diyos. At wala pong “new normal” sa halaga ng ating Bibliya kung saan nakasulat ang kanyang Pangako ng kaligtasan sa sanlibutan.

Pandemya o hindi, kasama po natin ang ating Panginoon. At sa pagbubulay-bulay po natin sa mga teksto ng Bibliya, tumitibay ang ugnayan natin sa Diyos at nabibigyan tayo ng lakas ng loob na harapin ang mga pagbabago at manatiling mamuhay sa kabanalan.

Bagamat isang araw lang kada taon ang pagdiriwang ng National Bible Day, malaking bagay po na ginagawa natin ito tuwing Enero sa pagsisimula ng taon. Ito po ang magbibigay sa atin ng tamang direksyon para sa buong taon.

Bilang inyo pong Empleyado sa Senado, sa Banal na Bibliya rin po tayo humahanap ng direksyon sa pagsusulong natin ng mga panukalang batas. Naniniwala po tayo na ang batas ng Diyos ang dapat pagmulan o kilingan ng batas ng Tao.

Isa po sa mahalagang batas na isinulong natin na magpapatibay din sa ating ugnayan sa ating Panginoon ay ang Republic Act No. 11476 o ang “GMRC and Values Education Act”.

Bilang isang Kristiyanong bansa, naniniwala po tayo na dapat pagbatayan ang mga aral sa Bibliya sa pagbuo ng kurikulum para sa GMRC at Values Education.

Hangga’t ang Bibliya po ang sandigan ng ating Republika, mapagtatagumpayan natin ang pandemya. At ang Salita ng Diyos ang magsisilbi po nating “bakuna” sa takot at mga pangamba sa mga pagbabago sa daigdig natin sa kasalukuyan.

Maligayang Pambansang Araw ng Bibliya po sa inyong lahat.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.