Una sa Balita

Natapos na scholarship fund ibalik sa mga college student

By
0 364

Sa kabila ng pagkakaroon ng libreng tuition fee sa kolehiyo sa tulong ng Universal Access to Quality Tertiary Act (Republic Act No. 10931), nana­natili pa ring prayoridad ng gobyerno ang pag-monitor ng nakalaang budget nito para sa edukasyon ng lahat.

Base kasi sa budget deliberation ng Commission on Higher Education (CHED) kamakailan, nabawasan ang alokasyon para sa mga student financial assistance programs kung saan mula P4.7 bilyon ngayong taon ay magiging P1.7 bil­yon na lang ang ilalaang pondo sa taong 2019.

Ayon kay CHED Commissioner Prospero de Vera III, nasa 350,000 na mag-aaral ang na­nganganib na mawalan ng scholarship.

Dapat mapag-aralang maigi ang nangyari, malaman kung ilang estudyante ang rehistrado sa Tulong Dunong program at iba pang detalye tungkol sa pagkakatap­yas ng budget para rito. Sa nasabing programa, P12,000 kada taon ang binibigay na financial assistance sa bawat estudyante ng private o public schools.

Hindi lahat ng estudyante ay kayang makapag-enroll ng libre sa mga state universities and colleges (SUCs) o local universities and colleges (LUCs) dahil malalayo ang mga eskuwelahan sa kanila. Kaya nga maaari pa rin silang makapag-enroll sa mga private school basta’t sapat ang tertiary education subsidy (TES) na magmumula sa CHED.

Anuman ang kalagayan o estado sa buhay ng bata ay hindi dapat na mabawasan ang ipinangakong allowance para sa kanila. Dahil dito, suportado natin ang plano ng CHED na ihiwalay na ang pag-budget ng Tulong Dunong program at iba pang educational at scholarship programs sa susunod na taon.

Kawawa naman ang mga estudyanteng ito na makikinabang sana ng libreng pag-aaral. Kung mapapabayaan ang kakulangan nito ay para na rin nating hinayaang mawalan ng saysay ang layunin ng batas na gawing world class at accessible ang edukasyon sa ating bansa, kaya napakahalaga ng programang ito at lalong mahalaga na sapat ang pondo mula sa Department of Budget and Management.

Kasama ang mga kapwa ko senador, hindi natin hahayaang manatiling kulang ang subsidy na nakalaan para sa mga college students. Patuloy na magsasagawa ng mga pagdinig sa Senado upang mahanapan ng solusyon at mapunan ang kulang na pondo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy