Una sa Balita

Natakot sa ban, Duterte sinusuyo ng Kuwait

0 1,352

NAKIPAGKITA kay Pangulon­g Rodrigo ‘Digong’ Duterte si Kuwaiti Ambassador to the Phi­lippines Saleh Ahmad Althwaikh, sa Malacañang noong Miyerkoles ng hapon, upang ‘hilutin’ ang deployment ban para sa mga overseas Filipino­ worker (OFW) sa Kuwait.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na natalakay sa pulong ng Pangulo at Kuwait ambassador ang pagbuo ng isang memo­randum of agreement (MOA) para sa dagdag na proteksiyon ng mga OFW na nagtatrabaho sa Kuwait pero hindi malinaw kung aalisin na ang deployment ban.

Tiniyak ng Kuwaiti ambassador sa Pangulo na bibigyan ng legal at moral protection ang mga OFW sa Kuwait, partikular ang mga household worker na malimit na maging biktima ng kalupitan ng kanilang amo.

Matatandaang dismayado ang Pangulo sa natatanggap na impormasyon hinggil sa kalupitan ng ilang kuwaiti employers sa mga Pinay na kasambahay kaya iniutos nito na itigil ang pagpapadala ng mga manggagawang sa Kuwait.

Sa ginanap na pulong, sinabi ni Bello na tinanggap ni Pangulong Duterte ang imbitasyon ng Kuwaiti government na bumisita sa Kuwait sa susunod na buwan kung saan aasahang malalagdaan ang kasunduan.