Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nasa tamang daan

0 122

Super abala na ang lahat ng kandidato ngayon. Kanya-kanya nang pagpapapogi, kanya-kanyang paramdam sa taumbayan. Sa dami ng maglalaban-laban, pagalingan na lamang. Matira ang matibay, ika nga.

At malaking puntos sa mga kandidatong ito ang maglalabasang survey para makita kung tunay na nararamdaman ng publiko ang kanilang presensya para sa 2020 presidential elections. Tulad na lamang nitong pinaka-latest na resulta ng Pulse Asia survey.

Sa naturang survey, apat ang nangingibabaw: si Davao City Mayor Inday Sara Duterte, si Bongbong Marcos, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at si Pambansang Kamao Sen. Manny Pacquiao. Sa resulta ng survey, pang-apat si Pacquiao pero ito lamang ang nagtala ng apat na puntos na pag-angat.

Ginawa ang national survey nitong Setyembre 6-11 na nilahukan ng 2,400 respondent na may edad 18 pataas, sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa resulta nito, nadagdagan ng apat na puntos si Pacquaio, na kung ikukumpara ay higit na malaki kaysa kanyang mga katunggaling presidentiables.

Bagama’t nanguna pa rin si Inday Sara, hindi naman puwedeng balewalain na nakapagtala ito ng walong puntos na pagbaba. At kahit nasa pang-apat si Pacquiao ay hindi rin maitatanggi na malaking bagay ang apat na puntos na iniangat nito sa survey. Ito’y dahil ipinakita lamang ng pag-angat na ito na may tiwala ang mga tao kay Pacquiao. Patunay din ito na sineseryoso ng taumbayan si Pacquiao bilang isang presidential contender.

Marahil ito’y dahil na rin sa pangkalahatang pananaw ng sambayanang Pilipino na hindi magnanakaw si Pacquiao kapag naupo na ito sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Sa tingin naming naging bentahe ni Pacquiao ang kampanya nito sa korapsyon kung saan una nitong kinuwestyon ang paggasta ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Energy sa pondo ng bayan.

Sa gitna ng pasabog ni Pacquiao laban sa korapsyon, nalantad ang mga kuwestyunableng pagbili ng face mask, face shield at personal protective equipment (PPEs). Patuloy pa ring pinag-uusapan ang pagbibigay ng gobyerno ng kontrata sa kumpanyang Pharmally sa pagbili ng mga gamit na ito gayong kung susumahin ay wala namang kakayahang pinansyal ang kumpanyang ito. Marami ang nagtataka dahil tila binuhusan ng suwerte ang kumpanyang ito para makuha ang tiwala ng gobyerno . Hindi tuloy matanggap ng taumbayan na kahit sa gitna ng pandemya ay pinapayagan ang ganitong mga kuwestyunableng desisyon.

Ang pag-angat ni Pacquiao sa survey ay isang malinaw na basehan na kumbinsido ang taumbayan na kapag nahalal na presidente si Pacquiao ay lalo nitong mababantayan ang galaw ng mga opisyales ng gobyerno. Naniniwala ang mga tao na kapag naipuwesto sa mas mataas na posisyon si Pacquiao ay lalo itong magkakaroon ng kakayahan na panagutin ang mga magnanakaw sa gobyerno.

Kamakailan lamang ay tuluyan nang namaalam sa mundo ng boksing si Pacquiao para harapin ang bagong hamon ng kanyang buhay. At kung pagbabatayan ang tinatakbo ng pulso ng mga survey, magandang basehan ito na tama ang desisyon ni Pacquiao na iwan na ang boksing at magpokus na sa mas mataas ng lebel—ang paghahain ng kanyang sarili para maging susunod na pangulo ng bansa.

Ngayon at sa mga susunod na araw at buwan ay marami pa tayong makikitang pagbabago. Masusubukan kung sino ang tunay na malakas at kung sino ang tunay na matibay sa mga personalidad na nagbigay na ng interes para lumahok sa 2022 presidential race.

Marami pa ring kuwestyon: magkakaroon ba ng last minute substitution? Tatakbo ba si Sara Duterte? May aatras ba kina Bongbong, Isko, Pacquiao, Sen. Ping Lacson, Sen. Ronald Bato dela Rosa at Vice President Leni Robredo bago mag-Mayo? Sino kaya ang aangat pa at sino ang lulubog na?

Matagal-tagal pa ang Mayo kaya marami pang pagbabagong magaganap lalo na sa mga survey. Hiling lamang namin na sana’y nag-iisip na ang mga botante. Sana’y maging gabay ang nararanasan nating paghihirap at pagkakalugmok sa pandemya para makabuo tayong lahat ng matalinong pagpapasya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.