Una sa Balita

Nasa katahimikan ang kapayapaan, kabanalan!

0 278

Fr. Richard Bolaton, STL

Ginugunita ng Simbahan ngayong araw ang kapistahan ng tanyag na abad, San Romualdo, OSB. Sa Ravenna, isang lungsod ng Italy isinilang si Romualdo sa kalagitnaan ng Ikasampung Siglo.

Nagmula siya sa isang mayamang pamilya.

Sa kanyang kabataan naging maluho at mapusok si Romualdo ngunit nagbago ang direksiyon ng kanyang buhay nang pumasok siya bilang monghe sa monasteryo ni San Benito.

Naging magulo ang kabataan ni Romualdo, nasaksihan niya kung paano nakapatay ang kanyang sariling ama dahil sa alitan sa lupa.

Naging matindi ang epekto nito sa batang si Romualdo kaya’t pilit niyang hinanap ang kapa­yapaan. Sa wakas, sa katahimikan ng monasteryo nakamit ni Romualdo ang kapayapaan sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa batas ayon sa ‘Banal na Tuntunin ni San Benito’

Naging lubos ang pagmamahal ni Dom Romualdo sa katahimikan sa loob ng mga pader ng monasteryo—ibang-iba sa magulong buhay sa labas! ‘Di kalaunan ma­ging ang kanyang ama ay nahikayat niyang isuko ang sarili sa Diyos at magmong­he upang pagbayaran at ituwid ang pagkakamali sa nakalipas. Hindi rin nagtagal at nahirang na abad ng monasteryo si Romualdo at pinuno ng mga ermitanyo.

Sa pahintulot ng Santo Papa, nakapagtayo si San Romualdo ng mga monasteryo sa gitna at hilagang Italya sa kanyang paglilibot. Nakilala siya bilang tagapagtatag ng grupo ng mga ermitayo na tinatawag na ‘Camaldolese Order’ mula sa pangalan ng gubat kung saan nanirahan ang kanyang mga disipulo.

Lalong umigting ang kanyang pagsasanay ng sarili upang lumago sa kabanalan.

Bilang Abbot, hindi nabawasan ang kanyang pagpapahalaga sa katahimikan at pag-iisa para sa pagdarasal at sakripisyo kahit sa gitna ng mga pagsubok na ispirituwal na ipinahintulot ng langit. Inatasan ng Roma ang masipag na monghe na palawigin pa ang pagbabago at pagtutuwid sa mga monasteryo sa Hungary ngunit dahil sa kanyang kalusugan, hindi ito natuloy.

Dalawang uri ng mga ermitanyo ang nabuo ni San Romualdo at itinutu­ring na kontribusyon nito sa Iglesya: ‘Yung una ay ang grupo na maaaring lumabas sa kanilang silid upang makipagdasal sa ibang kasapi; ikalawa, ‘yung talagang hindi maaaring lumabas sa kanilang silid at walang anumang kontak sa labas.

Katulad ni San Benito, naniniwala si Abbot Romualdo na nasa katahimikan ang kapayapaan at kabanalan.

Hanggang sa wakas ng kanyang buhay naging tapat si Abbot Romualdo sa panalangin at trabaho bilang isang ermitanyo lalo na noong hindi na niya kinayang maglakbay. Tanging ang katahimikan ng kanyang selda ang naging sanhi ng lakas sa mahaba niyang panunungkulan.

Tinawag ng Diyos si Dom Romualdo sa araw na ito—Hunyo 19, 1027 sa edad na 100. Nono 1466, in-exume ang mga labi ng santo at nakitang hindi nahipo ng pagkaagnas.

Ang buhay ni San Romualdo ay hamon sa mai­ngay nating kapaligiran at mundo—pinatunayan niyang nasa katahimikan ng puso ang tunay na kapa­yapaan. Sa taimtim na panalangin, matututunan rin nating makipag-usap sa Diyos ‘puso-sa-puso’ at ‘damdamin-sa-damdamin’ katulad ni Romualdo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy