Una sa Balita

Naputukan bumaba sa 68% – DOH

Paghihigpit ni Digong epektibo – Palasyo

By , ,
0 1,599

Ikinagalak ng Malacañang ang maayos, mapayapa at ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon sa harap ng ulat ng Department of Health (DOH) na bumaba ng 68 porsiyento ang mga insidente ng naputukan ngayon kumpara sa nakalipas na taon.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na indikasyon lamang aniya­ ito na epektibo ang Exe­cutive Order No. 28 ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa paggamit ng mga matataas na uri ng papu­tok at nagtakda ng mga lugar sa bawat barangay para doon lamang gawin ang pagpapapu­tok at fireworks display.

“Napatunayan natin na bagama’t napakala­king bawas ng paputok ngayong Bagong Taon, patuloy na naging maligaya ang sambayanan at hindi kinakailangang magpaputol ng daliri, ng kamay, ng mata para tayo magsaya sa pagpasok ng Bagong Taon at napatunayan natin ‘yan ngayong Bagong Taon,” ani Roque.

Base sa datos na inihayag ng DOH kahapon, pumalo lang sa 191 katao ang naiulat na nasugatan dahil sa mga paputok simula noong Disyembre 21, 2017 hanggang sa unang araw ng 2018.

Ang pinakabata umanong nabiktima ng paputok ay 11 buwang gulang samantalang 96-anyos naman ang pinakamatanda na pawang tinamaan lamang sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, patunay ito na nagtagumpay si Pangulong Duterte sa pagpapalabas ng EO 28.

“It’s the biggest reduction recorded so far, the total cases recorded during the 12-day period was 68 percent lower compared to the same period in the previous year,” ani Duque.

Aniya, pinakamarami pa rin ang naging biktima ng paputok mula sa Metro Manila dahil na naitalang 115 kaso o katumbas ng 60 porsiyento.

Sumunod ang Wes­tern Visayas na may 15 kaso habang pare-pareho­ naman ang Central Luzon, Calabarzon at Bicol region na may tig-13 kaso.

Sa Metro Manila, na­ngunguna ang Maynila na may 63 kaso ng nasugatan; Quezon City na may 14; pangatlo ang Pasig City na may 11 kaso; at anim naman mula sa Valenzuela.

Wala naman umanong naiulat na namatay dahil sa paggamit ng paputok.