Una sa Balita

Napusuan

0 256

Bukas na ang halalan. Pipili muli tayo ng, sa tingin natin, ay nararapat maglingkod. Matapos ang maraming konsiderasyon, siguro may listahan ka na, mula lokal hanggang sa senador. Siguro, matagal mo itong pinag-isipan. Ilang ulit nagdagadag o nagbawas ng pangalan para makumpleto ang mamarkhan mong pangalan sa balota.

Ano ba ang konsiderasyon mo sa pagpili ng iboboto? Depende siguro kung gaano mo kakilala. Madali ito sa lokal na pamahalaan. Kung maliit na munisipyo o lungsod, may tsansang kakilala mo nang personal ang kandidato. Kilala ang lahi. Baka kaibigan mo pa nga o kumpare.

Madali mong nabuo ang iboboto sa lokal na pamahalaan. Nabasa mo siguro sa polyeto ang plataporma de gobyerno. Nakita mo ang credentials. Kilala mo na noon pang pagkabata. Pwedeng inirekomenda sa iyo ng mapagkakatiwalaang kaibigan.

Samantala, kung hindi mo masyadong nakilala, umasa ka sa pangangampanyang nagtapos kahapon. Nakawayan ka. O nabasa mo sa dyaryo ang pangalan. O napanood mo sa telebisyon o napakinggan sa radyo. O baka naman may mahaba nang track record sa paglilingkod?

Lahat ng ito ay ikinonsidera mo. Dapat lang. Buwis mo yata ang nakataya dito. Buwis na dapat lang ay may makuha kang kapalit na maayos na serbisyo.

Kung konsehal ang iyong ibinot, magbalangkas ng ordinansa o kautusang ipatutupad ng meyor. Kung nasa lalawigan ka, baka may bokal o board members na babalangkas ng kautusang ipatutupad ng gobernador sa lalawigan.

Siyempre, ang congressman o congresswoman ang kakatawan sa iyong distrito sa Kongreso. Para hindi masabing wala kang boses sa pagbalangkas ng batas na, kung papasa at pipirmahan ng Pangulo, ay ipatutupad sa buong bansa. Kaya nga tinatawag na House of Representatives ang Batasan sa Lungsod Quezon ay dahil doon nag-oopisina at doon dinidinig ang mga panukalang batas.

Boboto ka rin ng kinatawan ng party list sa Kongreso. Dahil kung ang congressman o congresswoman ay kakatawan sa lugar kung saan ka naroroon—para masabing buong kapuluan ay may kinatawan—ang party list representative naman ay kakatawan sa sektor na gusto mong bigyan ng tinig sa Kong-reso.

Pwedeng sektor iyan ng magsasaka o manggagawa. Sektor ng kababaihan, guro, nars, mangingisda. Pero hindi katulad ng sa congressman, party list ang iboboto mo. Iyong mismong partido at hindi pangalan ng tao.

Boboto ka rin ng senador siyempre. Swerte mo kung may kakilala kang kumakandidato. Iyong personal mong nalalaman ang kakayahan. Pwedeng nakilala mong magaling, pwede rin namang hindi. Kung nakilalang magaling, iboboto o ikinampanya mo pa siguro. Kung hindi ka nagagalingan, dedma.

Ganyan ang dynamics ng eleksyon. Kaya naman nitong huling tatlong buwan, kinampanya ka ng mga kumakandidatong senador. Halos makabesado mo na nga ang campaign jingle.

Tandaan mo lang sana na sa pagboto mo bukas, hindi mo lang sanga pinagnalayan at pinag-isipan ang mga iboboto. Ang pinakamahalaga, galing ito sa kaloob-looban mo. Sila ang iyong napusuan. Hindi mo lang basta nagustuhan o nakursunadahan.

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy