Una sa Balita

Napatid na kapatiran

By
0 13

Kawawa talaga ang sinapit nitong University of Santo Tomas law freshman na si Horacio ‘Atio’ Castillo III na sinasabing namatay sa kamay ng mga inakala niyang magiging mga kasangga niya sa pagsali sa fraternity na Aegis Juris.

Aba’y lumalabas kasi sa nakaraang imbestigasyon ng Senado na parang hindi lang isa, kung hindi, dalawang beses pa yata siyang nagpatulungan ng mga dapat niyang magiging ka-‘brod’.

Batay kasi sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nasawi si Atio dahil sa matinding hirap at bugbog na sinapit niya sa hazing. Nakita ang mga bugbog niya sa magkabilang braso at pang parte ng katawan.

At sa nakaraang pagdinig nga sa Senado, lu­malabas na mukhang habang naghihingalo pa si Atio nang dalhin sa ospital, aba’y pinag-uusapan naman siya ng mga magiging ka-brod niya kung papaano mapagtatakpan ang kaniyang sinapit.

Batay ito sa lumabas na palitan o sagutan ng ilang miyembro ng fraternity sa chat habang dinadala nga si Atio sa ospital. Ang matindi mga tsong, mga magiging abogado at mga kasalukuyang abogado ang nagpapalitan ng kanilang kuro-kuro sa naturang group chat.

Kung si Manila Police District director Joel Coronel ang tatanungin, naniniwala siya na may plano ang mga sangkot sa hazing na pagtakpan ang nangyari. Maging ang nanay ni Atio, naniniwalang binalak na i-cover up ang nangyari sa kaniyang anak lalo nang lumabas ang sinabing palitan ng mensahe sa chat group.

Kaya nga maliban sa paghabol ng ina ni Atio sa mga responsable sa hazing ng kaniyang anak, gusto niyang ma-disbar o maalis sa pagka-abogado ang mga nasa chat group na nagmungkahi na burahin ang mga ebidensiya sa nangyari sa biktima.

Aba’y kung nabasa niyo ang palitan ng chat, may nagsabi doon na kunin na at paalisin na ng ospital ang ka-brod nilang nagdala kay Atio sa pagamutan. May nagsabi na linisin na ang lugar na pinagdausan ng hazing at bayaran kung kakailanganin kung may kuha ng CCTV na nakakita ng pagkuha sa katawan ni Atio. May mga nagmungkahi pa na walang magsasalita tungkol sa nangyari.

Maiintindihan siguro ng ating kurimaw na nais ng mga ka-brod na protektahan ang kanilang mga ka-brod na mayayari sa nangyari kay Atio. Pero ang tila nakalimutan nila, aba’y brod na rin nilang si Atio, ang biktima.

Iniisip marahil ng mga mas nakatatandang ka-brod ang kinabukasan ng kanilang mga mas na­kababatang ka-brod kapag nakulong ang mga ito dahil sa nangyari kay Atio, pero hindi ba nila naisip at hindi ba sila naawa na ang ka-brod nilang si Atio eh hindi lang kinabukasan ang nawala, kundi buhay?

Sa nakaraang pagdinig ng Senado, walang duda na bugbog ang kredibilidad at wasak ang imahen ng Aegis Juris. At ang ta­nging paraan para makabawi sila ay kung mayroong mga ka-‘brod’ na tatayo at tutulong para mabigyan ng hustisya ang ka-brod nilang si Atio. Mga abogado naman sila, alam nila kung ano ang kaibahan ng ‘laglagan’ sa pagpapatupad ng ‘hustisya’. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)