Una sa Balita

Napahiya ang Pilipinas sa pag-atras sa Asiad

By
0 733

Iisa lang ang implikasyon ng desis­yon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na hindi lumahok sa 18th Asian Games sa Agosto 18-Setyembre 2 sa ­Indonesia na ikinagulat ng mga netizen lalo na ng Philippine Basketball Association (PBA), ang number one supporter ng ­national team.

Nalagay din sa a­langanin ang PBA na panggagalingan ng mga player ng Gilas team at higit sa lahat, napahiya ang Pilipinas sa pangyayaring ito.

Bakit?

Naturingan pa ­namang ‘basketball crazy nation’ tapos wala tayong team na lalahok sa basketball competition sa Asiad.

Sana’y pinag-isipan munang mabuti­ at pinang-aralan ni SBP president Al Panlilio ang magi­ging implikasyon nito bago  nagdesisyon.

Dahil dito, kaagad nagkasa ng press conference nitong Biyernes bago simulan ang Game 1 ng championship series ng Ginebra at San Miguel Beer si Kume Willie Marcial upang ibigay ang kanilang panig sa isyu kaugnay sa biglaang desisyon ng SBP.

Humarap si Commissioner Willie Marcial at pitong PBA board member sa sports media upang ihayag ang kanilang panig at ginagawang sakrispiyo para sa ­national team.
Sa pangunguna ni Marcial, binigyang-diin  na suportado nila ang national team at patuloy nila itong gagawin.

Sinabi ng mga opis­yal na palaging nakasuporta ang PBA sa SBP at handang magpahiram ng pla­yer para sa bandila at bansa.

“After the lifting of the suspension of the federation by FIBA, the PBA was there right away and up to now there’s our all-out support,” sabi ni San Miguel Beer governor Robert Non.

“The PBA is more than 100 percent in support of the national team,” ayon kay Columbian Dyip governor Bobby Rosales.

“We’re not selfish. How many times have we lent players to the national team na kahit na nagsa-suffer ang revenue ng liga,” sabi naman ni Rene Pardo ng ­Magnolia.

“Siguro nakikita ninyo na hindi nag­lalaro si Christian (Standhandinger) dahil na-injured nung maglaro sa Fiba  3X3. ‘Yan lang, patunay na suportado namin ang national team,” sabi ni Alfrancis Chua ng Ginebra.

Ang iba pang Board of Governors member na humarap sa presscon ay si vice chairman Dickie Bachmann ng Alaska, Raymond Zorilla ng Phoenix at Eric Arejola ng GlobalPort. Si chairman Rickie Vargas ng Talk N’ Text ay nauna nang nagdaos ng teleconfe­rence sa PBA office at ang iba pa ay hindi na nakadalo dahil sa may mga nauna nang commitment.

Tungkol naman sa kung nagkalamat na ang magandang relas­yon ng SBP at PBA, sinabi ni Marcial na hindi. Ang nangyari ay isang miscommuni­cation lamang.