Una sa Balita

Napagkamalan

By
0 70

Dear Kuya Rom,

Magkasama kami sa trabaho. Sabay kami sa snack break at lunch break, kaya madalas na magkuwentuhan. Alam niyang gusto kong magka-boyfriend. Alam ko rin ang nangyayari sa buhay niya.

Isang araw, naikuwento niya na nakipag-break up sa kanya ang girlfriend niya. Masyado siyang nasaktan at ayaw na raw niyang makipagrelasyon, magpapakatandang binata na lang siya, hindi na siya iibig pa.

Nagbigay ako ng encouragement sa kanya. Sabi ko, iibig siyang muli kapag natagpuan niya ang isang babaeng magpapatibok ulit sa kanyang puso.

Mula noon, naging close kaming dalawa, parang mag-boyfriend. Pero wala kaming relationship, magkaibigan lang. Pagkatapos ng ilang buwan, kinausap niya ako. Ako raw ang babaeng nagpapatibok sa kanyang puso.

I’m a caring person, at napagkamalan niyang may gusto ako sa kanya. Sinisisi ko tuloy ang aking sarili kung bakit nagbigay ako ng encouragement sa kanya, isang bagay na hindi ko alam ay binigyan niya ng kulay.

Hindi ko siya sinagot, at umatras siya. Iniwasan niya ako, parang nagtatampo. Pati ang mga ibang kaibigan namin ay hindi niya kinausap. Tapos, nag-sorry siya. Hindi niya raw uulitin ang pagtrato niya sa akin na parang hindi niya ako nakikita.

Gusto niyang laging suportahan ko siya sa gusto niya. Pero hindi ko naman inuobliga siyang suportahan ang gusto ko, kasi magkaiba kami ng isip sa maraming bagay.

Ayaw kong saktan siya, pero gusto kong maging honest sa sarili ko. Paano ko sasabihin sa kanya na hindi siya ang lalaking gusto kong maging boyfriend?

— Jeannie

Dear Jeannie,

Sa inyong pag-uusap bilang magkaibigan, hindi sinasadyang pumasok ka sa kanyang puso kung saan damdamin ang usapin at dahil sa pagpasok mo ikaw ay nakakatulong, nais niyang manatili ka. Ngayon, ikaw ay nasa peligro, at kailangang kumilos ka. Kung baga sa nasusunog na bahay, tumakbo ka sa pinto at lumabas ka agad sa sitwasyong ito.

Sa buhay, mahalagang maghari ang totoo, kahit masakit ito. Sadyang masakit ang katotohanan, lalo na kung ito ay ka­baligtaran sa inaasahan. Gayunman, kailangang sabihin ang katotohanan upang magkaroon ng kaliwanagan.

Kaibigan mo siya at malaya kang sabihin sa kanya ang isang bagay na kailangan niyang malaman. Maging honest ka sa iyong sarili at sa kanya. Linawin mo sa kanya ang lahat, mula sa simula hanggang sa dulo.

Sabihin mo sa kanya na siya bilang kaibigan mo ay nararapat na bigyan ng encouragement. Pero ang encouragement ay hindi dapat binibigyan ng ibang kahulugan na malayo sa katotohanan. Iparating mo sa kanya na kaibigan mo lamang siya, wala kang damdamin para sa kanya at hindi siya ang lalaking gusto mong ma­ging boyfriend.

Jeannie, ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo. May God bless you!

Payong kapatid
Kuya Rom