Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nanlimos ng isda sa dagat ng Pinas

0 103

Sa kabila ng takot at pag-iingat ng mga tao upang huwag mahawahan ng COVID-19, napipilitan silang lumabas ng bahay at pumila sa community pantries at sa iba pang bigayan ng ayuda upang makakuha ng libreng pagkain, supplies at panggastos.

Kapag gutom na ang pamilya, lalo ang mga bata, at kumakatok na ang naniningil sa kuryente, tubig, renta at pautang, lahat tayo ay makikipagsapalaran upang makagawa ng paraan. 

Dahil sa hirap na dinaranas ng mga kababayan nating nawalan ng trabaho o nangalahati ang kita dahil sa pandemya, dumami ang bilang ng mga pamilyang nakararanas ng gutom.

At dahil sa kagustuhang makapag-uwi ng pagkain para sa kumakalam na sikmura, marami na rin sa kanila ang nadisgrasya sa pagpila at sa gitgitan ng mga tao.

Sa survey ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), 6 sa 10 pamilya ang nakaranas ng kakulangan o kawalan ng pagkain sa panahon ng pandemya.

62% ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng katamtaman hanggang sa matinding gutom.

72% naman ang nagsabing napilitan silang mangutang upang makabili ng pagkain, at 66.3% ang umaming napilitan silang manghingi ng pagkain mula sa mga kamag-anak, kapitbahay at kaibigan.

30% ang nagsabing napilitan silang mangalakal at magtrabaho kapalit ng pagkain, samantalang may 21% na may edad ang nagsabing tinipid nila ang pansariling pagkain upang may maibigay sa kanilang mga anak.

Ito ang nakalulungkot na epekto ng pandemya sa ekonomiya, negosyo at buhay ng mga tao.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Masabihan mang makulit at paulit-ulit tayo sa pagmungkahing bilisan at dagdagan ang ayuda sa mga kababayang nawalan ng trabaho, patuloy pa rin ang panawagan nating ituloy ang pamimigay ng ayuda sa mga naghihirap. 

Matapos ang Bayanihan 1 at 2, kailangan na muling balangkasin ang Bayanihan 3 o anumang katulad nito upang mabilis na matukoy ng Senado ang pagkukunan ng pondong pantulong sa mga nangangailangan.

May mga sektor tayo na dati pa ay kaya sanang mabuhay na hindi umaasa sa ayuda ng pamahalaan, tulad ng mga magsasaka, mangingisda, magbababoy at  magmamanok. Subalit may mga problema silang kinakaharap sa ngayon na nagpapahirap sa kanilang hanapbuhay.

Napeste ng African Swine Fever (ASF) ang magbababoy. Ang mga gulay, manok at iba pang produkto ay hindi nakakaabot sa tamang destinasyon dahil sa lockdown at problema sa transportasyon. 

Ang mga mangingisdang dapat na malayang nakakapangisda sa dagat na sakop ng ating exclusive economic zone sa West Philippine Sea ay pinagbawalan ng mga dayuhang makapaglayag.

Kung may katangiang unang babanggitin at sumasalamin sa Pilipino, ito ay ang kasipagan at palakaibigan.

Subalit hindi sapat ang sipag kung naubos na ang puhunan mo dahil sa ASF, at mas malaki ang malulugi sa iyo kung iluluwas mo ang mga produktong sobrang baba bibilhin sa iyo at sobrang mahal naman ng transportasyon. Kaya’t marami sa magsasaka natin ang itinatapon na lang o ipinapakain sa alagang hayop ang mga inaning gulay at prutas.

At lalong malaking trahedya at kalokohan ang mapaligiran ka ng karagatang hitik sa mga isda at natural resources, ligal na sakop ng iyong bansa, subalit hindi mo mapangisdaan dahil may mas malaking dayuhang umaangkin doon kahit walang basehan. 

Mabait at palakaibigan daw ang mga Pilipino. Kaya siguro inaabuso tayo at wina-walanghiya. Tameme man at tila may busal ang Pilipinas, nakakabuhay ng loob na maraming bansa ang kumikilala sa ating karapatan at nagpapahayag ng suporta sa usapin ng West Philippine Sea.

Sila ang nagsasalita para sa atin. Dahil dyan, darating din ang panahon na maitataboy ang dayuhan at malayang makakapangisda ang mga Pilipino sa karagatang sakop ng Pilipinas.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.