Una sa Balita

Nanlaban sa drug bust, 4 bumulagta sa Antipolo

By
0 1,205

PATAY ang apat na drug personality kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo matapos na manlaban umano ang mga ito habang inaaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya kamakalawa nang gabi at kahapon nang madaling-araw sa Antipolo City.

Ayon kay Rizal Provincial Director Sr. Supt. Lou Frias Evangelista, nabatid na isa sa mga nasawi ay nakilala lang sa alyas na ‘Jelo Parane,’ habang sadyang hindi inilabas ang pangalan ng 15-anyos na binatilyo na nasawi habang ginagamot sa Padilla District Hospital.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong ala-1:30 nang madaling-araw kahapon nang mapatay ng mga tauhan ng Antipolo City PNP at Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) sina Parane at isa sa mga suspek, nang manlaban sa isang buy-bust operation sa Sitio Hinapao, Barangay San Jose.

Sinasabing si Parane, na kanang kamay ng drug suspect na si Jun Calumpiano ay una na ring sinilbihan ng search warrant ng mga tauhan ng RDEU noong Mayo 30, 2018 sa Sitio Tawi-tawi sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal, ngunit nagawa lamang makatakas.

Nanlaban umano ang dalawang suspek ng tangka nang aarestuhin ng awtoridad kaya nabaril ang mga ito at agarang namatay.

Narekober mula kina Parane ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu na may street value na P50,000 at da­lawang kalibre .38 baril gayundin ang P1,000 buy-bust money.

Samantala, dakong alas-10:30 naman nang gabi kamakalawa ay nagsasagawa ng police visibi­lity patrol ang mga tauhan ng Antipolo Police-PCP 2, Purok Silangan, Barangay Dela Paz, Antipolo City, nang matiyempuhan ang tatlong suspek kabilang ang 15-anyos na bagets habang nag-aabutan ng hinihinalang iligal na droga.

Sinita umano ng mga pulis ang mga suspek at inalam kung ano ang hawak-hawak ng mga ito.

Subalit sa halip na sumagot ay bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang mga awtoridad.

Dito na napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok, na nagresulta upang tamaan ng bala ang tatlong suspek sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na agad isinugod sa Padilla District Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival ang isa sa kanila habang namatay naman habang ginagamot ang 15-anyos na binatilyo at ang isa pa nilang kasama ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.