Una sa Balita

Nangursunada sa pulis bumulagta

By , ,
0 27

“Ipinagtanggol ko lamang ang aking sarili,” ito ang ipinaliwanag ng isang bagitong pulis matapos makapatay ng isang lalaki na umano’y nakursunadahan siya habang papauwi na ng bahay kamakalawa ng gabi sa Brgy. Maybunga, Pasig City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eas­tern Police District (EPD) Dir. Romulo Sapitula, nakilala ang bagitong pulis na si PO1 Lester Galong, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 4.

Batay sa report, pauwi na si Galong sa kanilang bahay bandang alas-11:30 kamakalawa ng gabi sakay ng kaniyang motorsiklo nang harangin ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek habang nasa Javier Bridge, Maybunga, Pasig City.

Agad namang umalis ang dalawang suspek matapos malaman na pulis pala ang kanilang nakursunadahan subalit hindi natinag ang isa at nakipambuno pa sa pulis.

Ayon pa sa pulis, bumunot ang suspek ng balisong at doon na siya nagbigay ng warning shot subalit nanlaban pa umano ang suspek kaya pinaputukan na niya ito.