Nangingibabaw

0 401

Matandang parabula na ang ukol sa tatlong manggagawang nagsasalansan ng laryo (bricklayers) na nagbubuo ng pareho at iisang pader.

May nagtanong sa tatlo kung ano ang ginagawa nila.

Sagot ng una: nagsasalansan ako ng laryo.

Tugon ng pangalawa: gumagawa ako ng pader

Sabi ng pangatlo: nagtatayo ako ng isang malaking Katedral para sa Diyos.

Lahat sa kanilang tatlo ay tama ang sagot ngunit ang pangatlo ay nagsabi ng layunin at kahulugan (meaning/purpose) ng kanyang trabaho.

Ang kabuuan, katuturan at kabuluhan ng ating ginagawa ang nagbibigay sa atin ng pansariling pag-asa at malinaw na pangitain para makalikha ng saysay o kapararakan sa iba.

Patuloy ang pagbuhos ng paghanga para sa medical frontliners sa kasagsagan ng corona virus.

Mas nabibigyan ng pagpapahalaga ang mga doktor at nars na gumaganap sa pinakamahalagang misyon ng kanilang buhay.

Husay at malasakit.

Sa panahon ng malawakang kagipitan, nangingibabaw ang pagtugon nila sa tawag ng kanilang sinumpaang tungkulin na manggamot ng mga maysakit.

With great power comes great responsibility, ani Uncle Ben sa pelikulang Spiderman.

Tunay na ‘di pangkaraniwan ang misyon nila sapagkat anomang oras ay maaari silang mahawa sa nakamamatay na sakit.

Naglipana pa naman ang balita ng kakulangan sa kasuotan o gamit na pamprotekta nila sa kanilang sarili laban sa virus.

Minsan talaga ay nasusubok ang tunay na pagtalima sa ating propesyon, debosyon o bokasyon kung nalalagay ang buhay natin sa alanganin.

At sa mga pagkakataon din na ito, lumilitaw ang pagiging tapat at totoo sa sarili, sa code of ethics and responsibility, at sa pasasalamat sa biyaya na maging doktor o nars.

Ang ilan sa kanila ay nalagay na sa panganib at bingit ng kamatayan.

Ito ay higit sa pagganap nila sa kanilang job description.

Kahit ikamatay pa ay gagawin maipamalas lang ang pinakamataas na antas ng pagsisilbi sa Diyos at sa bayan.

Doktor man o hindi, nars man o nasa ibang larangan, lahat ay binigyan ng kapangyarihan, malaki man o maliit, para ipamalas ang pagiging extraordinarily ordinary.

Nariyan ang mga janitor, ulility worker, garbage collector at security guard sa mga ospital na tiyak ay walang tigil sa paglilinis, pagdi-disinfect, pangangalaga sa pagtatapon ng basura at pagpapanatili ng kaayusan.

Maliit man ang ambag sa paningin ng ilan ay ‘di rin matatawaran ang kanilang kontribusyon sa pagsugpo ng CoVid-19.

Sa lawak at tindi ng epekto ng virus na ito, tinatawagan tayo na gumawa ng mga hakbang na ‘di pangkaraniwan.

Nanawagan na nga ang isang alkalde na magpakita ang mga iba pang halal na opisyal ng pakikibahagi sa hirap ng sambayanan at magparamdam naman dahil umaasa ang taumbayan sa kanila.

Depensa naman ng mga kinauukulan ay nagawa na nila ang kanilang papel na ‘di naman nila ipinahayag o sadyang ‘di lang napansin ng media.

Marami ring punong bayan at punong barangay ang pinaghahanap ng kanilang constituents.

Ang kultura na wapakels o deadma (walang pakialam) ay walang puwang sa panahon ng krisis.

Dahil sa pananalasa ng salot, umaalingawngaw ang panawagan na mabigyan ang mga pinakaapektado ng tulong at ayuda.

Nagpaalala sila na noong panahon ng eleksyon, halos pati bubong nila ay katukin ng mga nangangampanya na sila ay iboto.

Ang sigaw nilang ito ay sumasalamin din sa ugali ng mga botante kapag halalan.

Dahil nangingibabaw pa rin ang ginto’t pilak para makapamili at makapagbenta ng boto ay inaasahana na mangyayari ito, at sa oras ng kagipitan, ang resulta ay nakikita.

Malinaw na malinaw na salat sa serbisyo at kulang ang pananaw (insight/inspiration) sa paninilbihan o paglilingkod sa madla ang ilan sa mga halal ng bayan.

Sa pribadong trabaho man o sa sinumpaang tungkulin na serbisyo-publiko ay kailangan mas maging wagas at puro ang paningin natin.

Tiyak na 100% o perfect attendance at walang late o tardy ang mga empleyado sa unang araw ng pagbabalik-trabaho matapos ang quarantine.

Nakita natin ang halaga ng ating trabaho at ang buti ng may pinaglalaanan ng oras araw-araw sa naging karanasan natin ngayon.

Nakatutuwa ang memes na ukol sa pagbibigay ng relief goods sa mga kababayan natin. Hitik daw ng laman ang kaing nang unang ibigay mula sa pamahalaang nasyonal ay unti-unting napitas sa pamahalaang lokal.

Nang isalin pa sa mga barangay ay naging isang lata ng sardinas na lang ang naiabot sa mga nangangailangan.

Sabi ng iba, mabuti ay may naabutan pa ang umaasa sa ayuda dahil ang ibang kabahayan ay hanggang sa ngayon ay wala ni supot na natanggap o “nganga”

Paano daw kung ito ay cash pa na galing sa SAP (social amelioration program).

Nananalig ako na iilan lamang sila na gagawa pa ng pagsasamantala at panlalamang sa kapwa sa gitna ng kagipitang pang-nasyonal.

Kung totoo man ito ay ‘di maiiwasan pumailanlang ang duda, inis at sisi ng mga mamamayan.

Sumasalamin muli ito sa kawalan ng mahusay na pagtanggap (acceptance) sa tunay na layunin ng paglilingkod na walang pag-iimot at buong katapatan.

Ugatin din natin ito sa uri ng pamumuno mula sa taas hanggang sa baba ng lipunan.

Ngunit sa sitwasyon natin ngayon, kailangan na mas lumitaw at magliwanag ang mabuti laban sa masama.

Naging trending sa Twitter ang #kopyahanna’to na nagpapakita ng panggagaya ng ibang pamahalaang lokal sa makabago at epektibong pamamaraan ng mga punong-lungsod para kumalinga sa masa at sa mga naghihikahos.

Ipagdiwang natin ang kaisipan at tagumpay (achievement) na ito kasama rin ang sabay-sabay na pagkilos ng mga kabataan, pagtulong ng mga ordinaryong kawani at pakikiramay ng may mabubuting puso, at lahat na sumusunod sa atas ng quarantine.

Sa mahabang panahon, ngayon na lang din natin narinig na nagkasundo sa prinsipyo ng pagkakaisa at pagiging-isa sa layunin (connection), at pagtulong ang dalawang pinakamataas na pinuno ng ating bansa.

Nang sila ay mahalal, pangarap na ng bawat Pilipino na maghilom na ang sugat na dala ng maruming politika.

Ayon sa mga batikan sa larangan ng human resource management and development, malaki ang ginagampanan ng mga namumuno o leader na magkaroon ng mas malawak na pakahulugan ang bawat isa sa kanilang sariling tungkulin bilang mamamayan.

Halimbawa nito ang pambansang disiplina, bukal na pag-agapay at diwa ng pagdadamayan.

Nagbibigay ito ng kapangyarihan at nagpapalakas (empowerment) ng loob ng kanyang mga tauhan o nasasakupan para makita nila ang malinaw na kaugnayan sa pagitan ng kung ano ang kanilang binibigyang-halaga at ng kung ano ang pinaggugugulan nila ng panahon.

Ang mga lider ang s’yang may tanging pwesto na makapagpapalutang ng kakaibang pananaw na naghahatid ng mabuti sa buhay ng mga mamamayan at ng komunidad.

Sa ganang akin, maaaring maging gabay sa mga nabanggit ang mga sumusunod na acronym: I AM ACE (Ako Ang Alas)

I – nsight/inspiration (pananaw)
A – cceptance (pagtanggap)
M – eaning/purpose (pakay)
A – chievement (pagtatagumpay)
C – onnection (pagkakaugnay)
E – mpowerment (pagpapalakas)

Papaimbabaw ang kaayusan at kapayapaan kung ang lahat ng ito ay mamamayani sa lahat.

Panahon ng pagninilay ang linggong ito at para sa ilan ang nakalipas na buwan para muli tayong bumalik sa nakaraan at alalahanin ang mas malalim na kahulugan ng buhay pansarili at panlipunan.

Isama natin sa pagbubulay-bulay ang kasabihang ito:

“The purpose of life is not to be happy. It is to be useful, to be honorable, to be compassionate, to have it make some difference that you have lived and lived well.” – Ralph Waldo Emerson

Kung may katanungan ukol sa Life Coaching o may kwento kayo na nais ibahagi, maaaring mag-email sa coachalextr@gmail.com o magtext sa 0917-5332322.

*Si Alex “Lex” Rosete ay isang Certified Life Coach mula sa Life Coach Philippines. Isa rin syang guro, trainer at consultant sa communication, human resources management at public administration.

Abante – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...